Eheads pay tribute to Francis Magalona

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

NAGLULUKSA NGAYON ANG showbiz dahil sa pagpanaw ni Francis Magalona nu’ng nakaraang Biyernes ng tanghali.

Kahit alam naman nating may sakit na leukemia si Kiko, at nasubaybayan natin ang mga treatment na pinagdaanan niya, hindi pa rin natin akalaing ganu’n kabilis siya bumigay at hindi nakayanan ang naturang sakit.

Madalas na ina-update ito ng Startalk at very positive sa mga sagot niyang malalagpasan niya ang lahat.

Ang sabi nga ni Malou Fagar, may nakarating na raw sa kanila na medyo delikado na si Kiko, pero tahimik lang daw ang asawa nitong si Pia Arroyo-Magalona at hindi na ito ipinarating sa kanila.

Pero nu’ng bago nalagutan ng hininga si Francis, sinabihan na rin daw sila ni Pia na anytime ay aalis na si Kiko. Kaya sobrang down na down sila nu’n sa Eat Bulaga,at tamang-tama naman, sumabay sa pagsisimula ng Bulaga ang pagkalagot ng hininga ni Kiko.

Isa sa pinakamabait sa showbiz si Kiko kaya maraming nagluksa at sobrang dinamdam ang pagyao nito sa napakaagang edad.

Anim na beses ko iyang nakasama sa mga show sa abroad, ilang beses yata kami nagkasama sa Australia, at napakabait niyan kahit puwede siyang magmaldito dahil sikat na sikat siya nu’n.

Kapag nakakasama mo sa ibang bansa ang isang tao, doon mo nakikita kung mabait ito, at wala talaga akong maipipintas kay Kiko.

Nu’ng pinuntahan ko ito sa burol niya nu’ng nakaraang Sabado, mukhang okay na si Pia at mga anak nito, pero kung iisipin mo, paano kaya ito mabubuhay ni Pia ang naiwang walong anak nila?

Mabuti’t nakapag-graduate na at maayos naman ang trabaho ni Maxene Magalona sa GMA 7 kaya malamang na tutulong ito sa iba pa niyang kapatid.

Hindi naman daw pababayaan ng GMA 7 at ng TAPE si Maxene, at sana pati pa ang iba niyang kapatid para hindi rin mahirapan si Pia.

Sa Miyerkules, dadalhin na si Kiko sa kanyang huling hantungan sa Loyola Memorial Park sa Marikina pagkatapos siyang i-cremate.

NU’NG NAKARAANG SABADO, masayang nairaos daw ang reunion concert ng Eraserheads na ginanap sa SM Mall of Asia concert ground at inalay daw nila ito kay Francis.
Dapat ay surprise guest pala si Kiko at nu’ng Martes, pupunta ito sa final rehearsal nila pero hindi natuloy dahil dinala na pala ito sa hospital.

Tuluy-tuloy na pala ang paghina nito hanggang sa pumanaw na ito nu’ng nakaraang Biyernes.
Sobrang apektado nga raw si Ely Buendia na bestfriend ni Kiko dahil halos araw-araw pala silang nag-uusap sa telepono. Tatapusin na sana ang binubuo nilang album, pero hanggang dalawang kanta pa lang ang na-record nila.

Pinapahinga nga raw nila ito bago mag-concert dahil nag-alala sila at baka maapektuhan ang puso niya sa sobrang depression.

Nagpadala nga ito ng mensahe sa Startalk nu’ng Sabado at ibinilin pa nito kay Kiko na ikumusta na lang daw siya sa Mommy niya na namatay rin nu’ng nakaraang taon bago ang unang reunion concert ng Eraserheads.

Anyway, nakikiramay kaming lahat sa pamilya ni Kiko, at maraming salamat Kiko, sa ibinigay mong kasiyahan sa ating mga kababayan.

Comments are closed.