Educational Loan Para sa SSS Members, Tinaasan

PINAGANDA AT mas pinaluwag pa ng Social Security System (SSS) ang educational loan para sa mga kasapi nito, kabilang na ang pagpapalaki sa halaga ng puwedeng utangin.

Sinabi ni Maria Luz Generoso, assistant vice president for Lending and Asset Management ng SSS

na kung dating 36 contributions ang requirement bago makahiram ang isang miyembro at dapat 3 buwan nito ay sa nakaraang anim na buwan, ngayon ginawa na itong 12 buwan o isang taong paghuhulog sa SSS.

Layunin aniya nitong mas marami ang masuportahan sa kolehiyo at mas marami ring miyembro ang mag-qualify sa pautang.

Kung dati ay P15,000 ang puwedeng mautang para sa isang degree course kada semester, itinaas na ito ngayon ng SSS sa P20,000. Habang sa vocational-technical (voctech) courses, P10,000 na ang dating P7,500 kada semester.

Bukod dito, maaari na ring para sa dalawang estudyante ang mautang ng mag-asawang kasapi ng SSS na dati’y para lamang sa isa.

Base sa programang ito ng SSS, hindi agad sisingilin ang miyembro. Sa halip, patatapusin muna ang anak nitong maka-graduate bago magbayad. Kailangan lang aniyang mamili ng amortization period ang SSS member.

Ayon pa rin kay Generoso, hindi nila nire-require na dapat walang bagsak ang mag-aaral. Sa halip, ipinauubaya na nila sa magulang at mga anak ang pagmantine sa matataas na grado.

Samantala, maaari nang ma-avail ang mas pinaluwag at pinagandang loan terms ng SSS para sa pasukan sa Hunyo.

Sa mga interesado, maaaring kumuha ng application forms sa mga sangay ng ahensya o kaya’y mag-download sa www.sss.gov.ph.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.