Edu Manzano, tatapatan ang Showtime!

PORMAL NA KINAUSAP nina Ogie Alcasid at Regine Velasquez si Atty. Felipe Gozon para kunin itong ninong sa kanilang kasal. Isa rin sa mga ninang ay si Dra. Vicki Belo at ikinuwento nitong sasamahan niya si Regine na pumunta ng Amerika bago matapos ang buwang ito para ayusin daw ang wedding gown nito.

Ayaw pa sanang ikuwento ito ni Regine pero ibinuking na ni Dra. Belo na si Monique Lhuiller ang gagawa ng kanyang wedding gown. Isa naman sa ninang nila ang ina ni Monique na si Michelle Lhuiller dahil naging close na ito kina Ogie na endorser nila. Tipid pa rin ang ibinibigay nilang detalye pero siyempre kinakalkal pa rin naman ng mga reporter dahil isa ito sa aabangang showbiz event bago matapos ang taong ito.

Tinitiyak nina Ogie na hindi sa ibang bansa ang wedding kundi rito. Ayaw naman nilang sabihing beach wedding ito, pero ito ang duda ng karamihan.

May exclusive interview si Ricky Lo kay Ogie para sa Startalk at sinabi nga nitong marami na siyang nagawang awitin para gamitin sa kanilang kasal. Pero ang nangako na raw na ilan sa mga kakanta ay sina Martin Nievera, Gary Valenciano at Lea Salonga.

Exciting ito dahil nakini-kinita na naming musical ang dating nito. Parang Diva lang ni Regine.

NU’NG KAMAKALAWA LANG pumirma si Edu Manzano sa GMA-7. Three years ang kontrata niya bilang Kapuso at ang una niyang gagawin ay ang bagong game show na itatapat sa Showtime. Ito ‘yung Asar Talo, Laging Panalo at kakaiba raw ang concept ng game show na ito.

Muntik-muntikan na nga raw na hindi natuloy si Edu sa pagpirma dahil may mga ilan pang detalye na kailangan nilang ayusin. Pero sabi naman niya, natuwa siya sa magandang offer ng GMA-7 kaya tinanggap na niya ito.

‘Di ba nu’ng panahon ng eleksiyon ay sinabi ni Edu na hindi na siya babalik sa showbiz? Paliwanag naman niya, tinanong daw siya noon kung babalikan pa ba nito ang iniwan niyang show sa ABS-CBN 2, sinagot daw niyang hindi.

Sa edad daw niyang 55, parang hindi na raw bagay sa kanya ang magsasayaw sa game show niya kaya ang gusto naman daw niya ay kakaiba na puwede pa ring makapagsilbi sa taumbayan.

O, ‘di ba? Public service pa rin ang concern ni Edu kaya feeling namin, babalikan pa rin nito ang pulitika. Sabi naman niya, hindi niya isinara ang pinto niya sa pulitika, pero sa ngayon ay hindi pa raw niya ito iniisip. Mas focused daw muna siya ngayon sa bago niyang show at sa pamilya niya.

Ayaw namang mag-comment ni Edu sa isyung nagkabalikan nga ba sila ni Pinky Webb. Basta masaya raw siya ngayon kasama ang mga anak niya.

Mainit ang pag-welcome ng GMA-7 kay Edu kaya abangan na lang natin ang bagong show niya bilang Kapuso.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

Previous articleWillie Revillame, payag mag-guest sa Eat… Bulaga!
Next articlePinoy Parazzi Vol. III Issue #150: August 13-15, 2010

No posts to display