Edu Manzano, nagpapagawa na ng bahay

MAY IPINAAAYOS NA bahay ngayon si Chairman Edu Manzano sa bandang San Juan. Malaki ang bahay na nasa isang malawak na bakuran din, luma ang istilo nito, kaya ipinare-renovate ngayon ng aktor-TV host sa ayon sa kanyang panlasa.

Maraming nagpapalagay na isa nang preparasyon ni Chairman Edu ‘yun para sa nalalapit nilang pagpapakasal ng magandang news anchor na si Pinky Webb.

May ilang anggulo na lang silang inaasikaso pa, pero saan pa nga ba mauuwi ang matagal na nilang relasyon kundi sa pagpapakasal?

Hindi naman dinisenyo sa langit ang kanilang relasyon, nagkakaroon din sila ng hindi pagkakaunawaan paminsan-minsan, pero totoo ang obserbasyon ng mas nakararami na ibang mag-away ang mga taong may pinag-aralan.

Sa pagkakaalam namin, kapag may tampuhan ang dalawa ay umaalis muna si Chairman Edu, hindi naman siya nagpupunta sa ibang bansa, hindi lang muna siya nagpapakita kay Pinky.

Ganu’n ang epektibong paraan ng mga kalalakihan para ang tampuhan ay hindi lumala, kailangang iwasan nila ang mas mainit pang argumento na maaaring humantong sa kung saan, kapag lumamig na ang timplada ng babae ay saka na lang sila uli bumabalik.

Mahahalata kapag may tampuhan ang dalawa. Makikita mong kumakain nang mag-isa si Chairman Edu, si Pinky naman ay halatadong hindi mapakali.

Pero kapag magandang-maganda ang lagay ng panahon ay makikita mo silang masigla, nagbibiruan habang naglalakad, napakadaling hulaan kapag may hidwaan sina Chairman Edu Manzano at Pinky Webb.

NAGBIGAY NA NG pahayag si Senador Bong Revilla tungkol sa ginagawang pananakot ni Rosanna Roces sa kanyang anak na si Jolo. Ramdam namin ang sobra niyang awa kay Jolo, hindi nga naman dapat nakatitikim ng mga ganu’ng pananakot ang batang aktor mula kay Osang dahil puro para lang naman sa kapakanan ng anak nito ang kanilang hangad.

Sa marespetong paliwanag ni Senador Bong ay sinabi niya, “Alam ko naman na mahal na mahal niya si Gab. Hindi naman namin inaalis sa kanya ang pagmamalasakit. Pero sana, maintindihan din niya kung mahal niya si Gab, mahal din namin ang bata.

“Kailangang ingatan ngayon ang bata dahil may primary complex, binabantayan namin ang pag-inom ng gamot ni Gab, kaya ang pakiusap namin kay Osang, habang sumasailalim pa sa gamutan ang bata, sa amin na muna siya,” seryosong paliwanag ni Senador Bong.

Dumudugo ang kanyang puso kapag nakikita niyang naliligalig si Jolo, ginagawa na nga ng batang ama ang responsibilidad nito sa anak nila ni Grace, pero parang wala man lang pagpapahalaga du’n si Osang.

“Ang sa akin lang, Jolo doesn’t deserve it. Wala na lang sanang takutan, napag-uusapan naman ang lahat sa maayos na paraan. Sabihin niya sa amin kung ano ang gusto niya, sasabihin din naman namin ang para sa kapakanan ni Gab.

“Pare-pareho lang naman kasi kaming nagmamahal kay Gab, e. kung tutuusin, walang may gustong mapahamak ang bata. Kaya lang, hindi ko gusto ‘yung takutan,” dagdag na paliwanag ni Senador Bong.

Disiplinado na ngayon si Budoy, hindi na ito pinipilit sa pag-inom ng gamot at hindi na rin umiihi sa kama, kaya hindi na gumagamit ng diaper.

“Pag nakita niyang gising na ako, mabilis na siyang kikilos, maliligo na si Gab, pagkaligo niya, lalapit na siya sa akin, hahalik, maglalambing.

“Para naman sa bata ang lahat ng ginagawa namin. Naiintindihan ko si Osang, ang hindi ko lang talaga gusto, ‘yung dinadaan niya sa takutan ang mga bagay-bagay.

“Huwag naman sanang ganu’n, ginagawa naman ni Jolo ang lahat ng makakaya niya para kay Gab, e. Huwag niya naman sanang tino-torture ang anak ko,” seryosong pahayag ni Senador Bong Revilla.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

loading...

2 thoughts on “Edu Manzano, nagpapagawa na ng bahay

  1. kung ako sa mga Revilla, wag na nilang isoli si Gab kay rosanna roces, talamak na masamang impluwensiya siya sa bata, kung ang sarili nya nga hindi nya kayang itama, apo pa kaya nya, tama lang na kena lani at bong lalake si Gab at least si lani may pinag-aralan, hindi yung kung anu-anong kabastusan ang natututunan ni Gab, kawawang bata

  2. HINDI TORTURE. GALING LANG SA ISANG LOLA NA NAGMAMAHAL AT NAKITANG LUMAKI ANG APO. MAY KARAPATAN ANG INA NANG BATA. SI JOLO, PUWEDENG MAGBIGAY NANG SUSTENTO. HUWAG GAMITIN ANG IMPLUWENSIYA. YOU ARE NOT A PERFECT FAMILY EITHER, ANG KAPATID MO NAMBUGBOG NANG KATULONG. BUGBOG SARADO AT MARAMING PASA SA KATAWAN PERO NA ABSWELTO PA RIN SI PRINCESS. WALA NAMAN KAYONG NAGAWANG MAGANDA PARA SA BANSA. HANAPBUHAY NINYO AY KABAN NANG BAYAN KAYA MAHILIG KAYONG PUMASOK SA PULITIKA. PATI SI LANI NA WALANG ALAM, PAPASOK DIN. SANA ANG BAYAN, MAG ISIP ISIP BAGO KAYO IBOTO.

Leave a Reply

Your email address will not be published.