Economic provisions lang, ‘promise’ – Enrile

KINUMPIRMA NI Senate President Juan Ponce Enrile na nagkasundo na ang Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso na tanging economic provisions lang ng Saligang Batas ang aamyendahan.

Sa kabila ito ng mga mungkahi na isama na sa Charter change (Cha-cha) ang pagsilip ng political structure at usapin sa seguridad ng bansa.

Nakapag-usap na sila ni House Speaker Feliciano Belmonte ukol dito, ani Enrile.

Isang resolusyon umano ang ihahain sa Kamara at nakasaad doon na tanging economic provision lamang ang babaguhin at wala nang dapat iba pang isisingit.

Magiging magulo ang Cha-cha kung isasama pa ang political structure, giit ng senador.

Pagkatapos ng SONA ni Pangulong Noynoy Aquino ay hihingi sila ng dayalogo sa Palasyo upang personal na ipaliwanag sa Pangulo ang dahilan kung bakit kailangan nang amyendahan ang ilang probisyon ng Saligang Batas.

Aminado naman ang pangulo ng Senado na kailangan nila ang suporta ng Malacañang sa pag-amyenda ng Konstitusyon lalo’t mangangailangan ito ng pondo pagdating sa plebisito.

Para kay Enrile, kung sasadyain ay matatapos ang pag-amyenda sa Konstitusyon bago ang 2013 midterm elections.

Nabatid na nagpahayag ang Palasyo na hindi prayoridad ng kasalukuyang administrasyon ang Charter change dahil maaari namang umunlad ang bansa kahit hindi baguhin ang Saligang Batas.

Kumpiyansa rin si Enrile na mapapagbago nila ang posisyon ng Pangulo.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.