Dyip, Nadaganan ng Cement Mixer: 1 Patay, 7 Sugatan

PATAY ANG isang estudyanteng naghihintay ng masasakyan matapos maipit ng tumagilid na cement mixer na dumagan sa pampasaherong jeep sa southbound lane ng Araneta Ave. paglagpas ng Del Monte Ave. sa Quezon City.

Pito pa ang nasugatan sa nasabing aksidente na kinasasangkutan ng cement mixer truck ng Concrete Mix Specialists Inc. na may plakang ZPL 947 at pampasaherong jeep na may plakang TVV 855 na biyaheng 5th Avenue sa Caloocan patungong Quezon Avenue sa QC.

Kinilala ng opisyal ng Barangay Sienna ang biktima na si Marie Cherrie Inson, ng Tandang Sora, Quezon City at estudyante ng Sienna College.

Ilan naman sa mga nasugatan ay sina Ernest Lucas, Elizabeth Naganio. Tool Nuñez at drayber ng jeep na si Romeo Cañedo Jr.

Isa pang sugatan ang dinala sa East Avenue Medical Center (EAMC) habang dalawa ang nasa Philippine Orthopedic Center.

Hawak na at iniimbestigahan ng QC Traffic Sector 1 ang drayber ng cement mixer na si Reynald Guarte.

Base sa salaysay ng  ilang saksi, mabilis ang takbo ng trak galing Del Monte Ave nang bigla itong kumanan sa Araneta Avenue.

Posible umanong hindi napansin ng drayber ng cement mixer ang hukay ng isang water utility,

Nahagip naman ng tumagilid na trak ang jeep na mula sa kabilang direksyon at naipit ang babaeng estudyanteng naghihintay ng masasakyan.

Pinagtutulungan na ng tow truck at isang crane ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pag-angat sa mixer para makuha ang babaeng naipit.

Samantala, una nang ginamitan ng hydraulic cutter ang mga bakal na nakaipit sa katawan ng biktima.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.