Drug Courier, Patay sa Shoot-Out; 1 Pa Arestado

ISANG SINASABING drug courier ang napatay habang arestado naman ang kasama nitong babae sa naganap na shoot-out sa pagitan ng napatay at mga pulis sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni P/Sr. Supt. Jude Santos, Caloocan Police Chief ang napatay na si Eugene Gubangco, 35, binata, tubong-Pampanga habang ang naarestong babae ay si Rochelle Galang, 30, dalaga na parehong naninirahan sa # 42 PNR Compound, Brgy. 73 ng nabanggit na lungsod.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng Caloocan PNP, bandang alas-12:35 ng umaga nang maganap ang nasabing insidente sa kahabaan ng LD Road, Brgy. 73.

Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ng nasabing himpilan ng pulisya, kasalukuyang nagsasagawa ng “Oplan Sita” sina PO3 Abner Placiente at PO2 Sandy Galino, ng Police Community Precint (PCP) 14 sa nasabing lugar.

Dito ay namataan ng dalawang nasabing pulis ang napatay at kasama nitong babae habang sakay ng isang kulay itim na Yamaha Mio Soul na may plakang XH-877.

Kaagad na pinahinto ng dalawang pulis si Gubangco subalit hindi nito pinansin bagkus ay pinatakbo pa ng matulin nang napatay ang sinasakyang motorcycle patungo sa Barrio Sta. Rita.

Agad na hinabol ng dalawang pulis sakay ng mobil patrol N-148 ang dalawang tumatakas at pagsapit sa Dr. White Uyoanco ay sumemplang ang sinasakyang motorsiklo ng dalawang tumatakas.

Sa puntong ito ay mabilis na nagtatakbo si Galang patungo sa isang madilim na eskinita na agad namang hinabol ni PO2 Galino na nagresulta sa agarang pagkakaresto sa nasabing babae.

Samantala, si Gubangco naman ay mabilis na binunot ang kanyang .38 caliver revolver at pinagbabaril si PO2 Placiente subalit mapalad namang hindi tinamaan.

Agad namang gumanti ng putok si PO2 Placiente na nagresulta sa maagang kamatayan ni Gubangco habang narekober naman kay Galang ang isang sachet na naglalaman ng hindi nabatid na dami ng Shabu.

 (ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.