Driver, Pinagbabaril sa Bakanteng Kubo; Patay

PATAY ANG ISANG taxi driver matapos itong pagbabarilin ng di-pa kilalang suspek na nakasuot ng helmet habang ang una ay may mga kausap sa bakanteng kubo kahapon ng hapon sa Caloocan City.

Agad na nasawi sa pinangyarihan ng insidente sanhi ng dalawang tama ng bala ng .45 kalibre na baril sa dibdib ang biktimang si Gerardo Ramos, 44, tubong-Bauan, Leyte, ng No. 563 Bagumbong Taas, Brgy. 171, Bagumbong, Caloocan City.

Nagsasagawa naman ng masusing imbestigasyon ang pulisya sa pagkakakilanlan sa suspek na nakasuot ng helmet, katamtaman ang katawan at may taas na nasa 5’2” o 5’4” na mabilis na tumakas dala ang ginamit na baril sa krimen.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-4:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa harap ng isang bakanteng kubo di-kalayuan sa bahay ng biktima sa naturang lugar.

Nakatayo ang biktima at kausap sina Romeo Teves, Elly Tam, Jun Abaga, at Greg Ramos, nang bigla na lamang sumulpot ang suspek na armado ng .45 na baril at dalawang beses na pinaputukan ang una sa dibdib na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Ipinagbigay-alam naman sa pulisya ng mga nakakita sa insidente ang nasabing krimen at ng respondehan ay nakita ang dalawang basyo ng .45 kalibre na baril.

Inaalam na ng pulisya ang motibo sa naturang krimen.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.