Driver, patay sa pamamasada

PATAY ANG ISANG tricycle driver matapos itong pagbabarilin ng tatlong ‘di pa nakikilalang salarin habang ang una ay nagmamaneho ng kanyang tricycle na may pasahero kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Agad na nasawi sa lugar na pinangyarihan ng krimen sanhi ng tinamong tama ng bala sa ‘di pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo at balikat ang biktimang si Roderick Batac, 33, may-asawa, ng Phase 6, Purok 2, Area D, Brgy. 178, Camarin, Caloocan City.

Nagsasagawa naman ng follow-up investigation ang pulisya sa agarang pagkakakilanlan sa tatlong suspek na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-7 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Phase 6 Road, Brgy. 178, Camarin, ng nasabing lungsod.

Ayon sa saksing si Jojit Canapit, 30, lugaw vendor, ng Vanguard Camarin, nakita nito ang tatlong suspek na pawang mga nakasuot ng itim na jacket at sombrero, at mga nasa edad 20-25.

Bigla na lamang siyang nakarinig ng magkakasunod na putok ng baril at nang kanyang alamin ay nakita niyang pinagbabaril ang biktima habang nagmamaneho ng kanyang tricycle na may mga sakay na pasahero.

Dito, bumangga ang tricycle ng biktima sa isang truck na nakaparada habang mabilis namang nagpusalan ang mga nabiglaang pasahero ni Batac.

Dahilan upang ipaalam sa pulisya ang nasabing insidente at nang respondehan ay wala nang buhay si Batac.

Patuloy namang inaalam ng pulisya ang motibo sa nasabing krimen.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.