DPWH: Pagsasara ng EDSA Para sa Rehabilitasyon, Tuwing Weekends Lang

KINUMPIRMA NG Department of Public Works and Highways (DPWH) na malapit nang simulan ang isang taong rehabilitasyon sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA).

Ayon kay DPWH Secretary Rogelio Singson, may ilang aspeto na lang silang inaayos tulad ng rerouting scheme bago iprisinta sa Metro Manila Development Authority (MMDA) at National Economic and Development Authority (NEDA) ang proyekto.

Aniya, “We want to smoothen the EDSA from end to end. Ibig sabihin, mula Roxas Boulevard hanggang Balintawak para sa ganu’n maayos naman ‘yung riding surface dahil napabayaan na nang matagal na panahon ‘yan.”

Batid ng kalihim ang pangamba ng mga motorista sa pagsasara ng EDSA kaya minabuti niyang ipaliwanag ang mga limitasyong nakapaloob sa proyekto.

Ipinaliwanag naman ni Singson na ang usapan nila ng MMDA ay tuwing weekends lamang isasara ang EDSA, hindi sa buong taong rehabilitasyon.

Hindi rin anya buong kahabaan ng daan ang kanilang sasakupin sa bawat iskedyul ng trabaho, kundi isa-isang lane lang.

Sinabi rin ni Singson na tatlo ang segment ng EDSA sa isasagawang rehabilitasyon – mula Roxas Boulevard hanggang SM Megamall, mula SM Megamall hanggang Trinoma at mula Trinoma hanggang Balintawak.

Ipinaliwanag din ng kalihim kung bakit isang taon ang target na panahon para maayos ang kahabaan ng EDSA.

Aabutin ng tatlong araw ang curing ng semento. Kailangan aniyang maayos ang base ng kalsada bago lagyan ng asphalt overlay, ani Singson.

Nabanggit naman ni Singson na kasama na sa kanilang 2013 budget ang proyekto sa EDSA.

Ayon sa kalihim, sakaling mailabas na ang budget, aarangkada na rin ang rehabilitasyon.

Samantala, umapela naman ang DPWH sa publiko na unawain ang isasagawang rehabilitasyon dahil para rin anila ito sa ikabubuti ng mga motorista.

Sinabi rin ni Singson na hinahabol nila ang pagsasaayos sa kalsada para sa gaganaping Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) summit sa bansa sa 2015.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.