DPWH District Engineers, babalasahin

NAKAUMANG ANG BALASAHAN sa mga disrict engineer sa buong bansa na ipatutupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa lalong madaling panahon upang matigil ang graft and corruption at maiwasan ang pagkakasangkot ng mga ito sa anomalya partikular na sa iba’t ibang proyekto, lalo na sa mga pondo na manggagaling sa Countrywide Development Fund (CDF) ng mga Congressman.

Ang layunin ni Secretary Rogelio Singson sa isasagawang reshuffle ay para mapalitan ang mga over-staying district engineers at hindi masyadong mapalapit sa lokal na opisyal at mailayo sa mga anomalya.

Sa kasalukuyan, umaabot sa 182 ang bilang ng mga district engineer sa 182 district offices sa buong bansa na pinaniniwalaang hawak sa leeg ng mga congressman at mga lokal na opsiyal sa buong kapuluan.

Bilang pagsunod sa kautusan ni Pangulong Benigno Aquino III na “dito tayo sa matuwid na daan”, pinag-aaralan ni Singson ang mangyayaring balasahan dahil halos lahat sa mga ito ay mayroong kanya-kanyang congressman na sumasalo upang hindi sila maalis sa kasalukuyang puwesto.

Ngunit mariin na sinabi ng isang kawani ng DPWH na malapit sa kalihim na patatapusin muna ang barangay elections sa October 25, 2010 bago isagawa ang pangkalahatang reshuffle ng mga ito.

Samantala, dismayado ang ilang sa mga apektadong district engineer at agad na humingi ng saklolo sa kanilang mga kaibigang congressman para manatili sa kanilang puwesto, at patuloy na magtamasa ng milyun-milyong salapi sa pakikipagsabwatan sa mga lokal na opsiyal.

Kinondena rin ng mga district engineer ang gagawing hakbang ni Singson sapagkat anila, hindi sa pamamagitan ng reshuffle matitigil ang graft and corruption sa DPWH. Ang kailangan umano ay ipatupad ang batas at hindi ang humanitarian consideration. (Froilan Morallos)

Pinoy Parazzi News Service

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.