Dorm ng OFWs, sinugod ng mga Taiwanese

LABIS ANG takot na nararamdaman ng mga Filipino worker sa Taiwan kasunod ng panibagong insidente ng pagsugod ng mga galit na Taiwanese kamakailan sa tinitirhang dormitoryo ng mga ito sa Csinchu, Taiwan.

Ayon sa isang OFW na nakabase sa nasabing lugar, bigla na lamang pumasok ang nasa anim na mga Taiwanese bitbit ang baseball bat at pinagpapalo ang kanilang mga kasamahan.

Dahil sa bilis ng pangyayari, natamaan sa braso, paa at likod ang isang Pinoy na si Joel de Leon na hirap nang makalakad dahil sa ginawa ng galit na grupo.

Natigil lamang umano ang pagpapalo ng mga Taiwanese nang nakahanap ng pagkakaton ang mga Pinoy na makaganti subalit agad namang nakatakas ang mga ito.

Ang naturang dormitoryo ng mga Pinoy machine workers sa Csinchu ay malapit lamang sa police station subalit hindi naman kaagad nakapagresponde ang mga kinauukulan.

Kaugnay nito, hindi muna papasok sa kanilang kumpanya ang mga Pinoy worker dahil sa labis na takot sa nangyari, ngunit tiniyak na rin ng gobyerno ng Pilipinas na nakabase sa Taiwan ang tulong habang patuloy naman ang pagsisiyasat.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.