Donita Rose, bitin pa rin sa isyung ligwak na siya sa morning TV show

TINAWAGAN AKO NI Donita Rose isang umaga para klaruhin na nga ang blind items na naglalabasan na tumuturo sa kanya na siyang host na tsutsugihin sa programang kasama siya sa umaga, ang Umagang Kay Ganda.

Wala naman daw kasing nagsasabi sa kanya na aalisin siya sa nasabing programa. Ang alam lang daw niya eh, magkakaroon ito ng reformat. At nang makarating nga ito sa kanyang manager na si Angeli Pangilinan-Valenciano, na wala ring kaalam-alam sa mga mangyayari pa sa nasabing programa, nag-usap naman daw sila ni Donita tungkol dito.

Walang kinumpirma sa amin si APV nang makausap namin ito bago kami tawagan ni Donita. Ang nilinaw ni APV eh, kung ganoon ang magiging desisyon ng management, prerogative nila ‘yun. Although, wala naman daw silang nakitang problema para agad-agaran na lang tanggalin si Donita nang hindi man lang ipinaaalam sa kanila.

Sabi rin ni APV, as far as loyalty is concerned, you are loyal to work. So, wherever it takes you, doon ka pupunta.

Kaya, ang sabi sa akin ni Donita noong kausap na ako nito sa phone, noong una, totoong nag-panic siya. Nagulat nga raw kasi siya nang sabihin ito sa kanya ni APV. Eh, give na give naman kasi ang clue sa blind items na lumabas na pangalan ng bulaklak ang tinutukoy na host.

Pero nang makausap naman daw ni Donita ang kanyang manager, kahit na hindi pa malinaw sa kanila kung sa sinasabing reformat eh, matatanggal siya, hihintayin na lang daw nila kung anuman ang maging desisyon ng management.

Sabi nga ni Donita, pati na rin ng kanyang manager, there was a time na nag-decide na ang TV na naging MTV veejay pa sa ibang bansa na mag-retire na sa showbiz nang mag-asawa siya at magka-anak. Pero nabigyan pa rin siya ng pagkakataon kaya naman, ginampanan pa rin niya ang kinailangan niya sa kanyang obligasyon sa mga manonood. Kung saan alas-tres pa lang ng madaling-araw eh, gising na ito para mag-prepare na sa pagtungo niya sa studio.

Kung hanggang kelan mabibitin si Donita, pati na ang kanyang manager sa desisyon na kaagad-agad na may nag-leak kaya nga naging blind item eh, hihintayin na lang daw nila from Sheryl Favila.

Mas bukas naman na raw ang isip ni Donita sa mga ganitong bagay ngayon.

RIOT ANG UNANG gabi ni Arnell Ignacio sa kanyang bagong radio show sa dzIQ 990 (AM band) mula alas-diyes ng gabi hanggang ala-una ng madaling araw.

Ang dami na agad naging callers ni Arnell na kahit nangangapa pa sa mga segments na gusto niyang gawin sa kanyang programa eh, aliw na aliw rin sa mga nakakaniig niya sa kanyang programa.

Hindi naman akalain ni Arnell na darating uli sa kanya ang isang magandang pagkakataon sa mundo ng radio. Matatandaang naging co-host ito ni Susan Enriquez sa umagang programa nila sa DZBB. Pero nang tumakbo bilang Konsehal si Arnell sa Quezon City, kinailangan niya siyempreng iwanan ang kanyang trabaho sa radio.

“Walang below-the-belt sa programa’ng ihahatid ko. Puro above-the-belt. Tatawa ka nang tatawa. Basta parang normal lang. Alaskahan, katuwaan, opinyon kung opinyon. Tapos may mangyayaring ligawan sa ere, may pa-contest. ‘Yung para lang tayong nagkakape. Ganon, may mga pinag-uusapan. Sa showbiz, sa mga bagay-bagay sa buhay. Anything goes. Ang isang maganda na talagang ipinalagay ko eh, ‘yung may malalaman ako sa mga callers na nagawa nilang maganda sa buong mag-hapon nila na isi-share nila. Eh, ‘di ba ‘pag ganyang mga oras na, parang hindi pa tapos ang araw mo kaya naghahanap ka pa ng kausap. Kaya, ‘yun ang programa ko.”

Sinubaybayan at pinakinggan namin ang unang gabi ni Arnell noong Lunes. Tama! Naaliw ang mga listeners niya sa bago niyang programa. Sinamahan si Arnell ng comedy bar host na si Kim Idol as his special guest. Laugh-to-the-max ang listeners dahil sa horoscope reading ni Kim, na panay na katatawanan ang laman.

Papakinggan kaya si Arnell ng dating co-host niya sa radyo?

The Pillar
by Pilar Mateo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.