Donaire, bigo kay Rigondeaux

NABIGO SI Nonito “The Filipino Flash” Donaire na maipagtanggol ang World Boxing Organization (WBO) super bantamweight belt kay Guillermo “El Chacal” Rigondeaux sa ginanap na bakbakan sa Radio City Music Hall sa New York City, USA.

Base sa scores na 114-113, 114-112 at 116-111, tinalo si Donaire ng Cuban boxer via unanimous decision.

Dahil sa naturang pagkatalo, 31 wins, 2 losses na ang record ni Donaire.

Samantala, una nang kinilala bilang “2012 Fighter of the Year” ng Boxing Writers Association of America ang Pinoy boxer matapos talunin sina Wilfrido Vasquez Jr., Jeffrey Mathebula, Toshiaki Nishioka at Jorge Arce.

Sa kaugnay na ulat, humihirit ng rematch ang pamilya ni Donaire sa General Santos City matapos na matalo kay Rigondeaux.

Sinabi ni Lolo Epifanio, bagama’t malungkot ang kanilang pamilya ay tanggap nila ang pagkatalo ng apo.

Gayunpaman, sana aniya’y magkaroon ng rematch lalo’t si Nonito naman ang nagdala ng laban.

Nagulat naman ang mga kababayan ni Nonito sa pagkatalo nito sa Cuban boxer at kabiguang makamit ang World Boxing Organization (WBO) at World Boxing Association (WBA) super bantamweight belts.

Samantala, umaasa silang makababawi para sa mga Pilipino si Manny “Pacman” Pacquiao sa ikinakasang laban sa darating na Setyembre.

Maaalala na una nang natalo si Pacquiao kay Juan Manuel Marquez noong Disyembre.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.