Dolphy, pinalalakas ng dasal ng mga nagmamahal

PATULOY PA ring sinusubaybayan ang kalagayan ngayon ni Mang Dolphy na nasa Makati Medical Center pa rin.

Ayon kay Eric Quizon, muling nag-dialysis ang ama niya kahapon ng umaga. Ibig sabihin, lumalakas si Mang Dolphy dahil kinaya nito ang pangatlong dialysis sa kanya.

Nang humarap kasi sa media si Eric nu’ng Biyernes, hindi gaanong maganda ang kalagayan ng kanyang ama kaya nag-decide daw ang doktor na itigil na ang dialysis.

Pero nu’ng Sabado ay itinuloy ang dialysis at kahapon nga ay inulit pa. Kaya maganda ang resulta at sabi nga ni Eric, pinalalakas ito ng mga dasal ng lahat na mga nagmamahal sa ating Comedy King.

Ang isa pang maipupuri mo nang husto ay si Eric Quizon na siyang spokesperson ng pamilya at humaharap sa lahat para sa update ng kanyang ama. Pinipilit na lang daw niyang magpalakas para makayanan nila itong pinagdaraanan ng pamilya.

Ang sabi nga ni Eric, kung ano ang pinagdaraanan ng kanyang ama, ganu’n din ang naramdaman nila. Kaya mahirap talaga.

Patuloy na nagdadati-ngan ngayon ang mga anak ni Mang Dolphy galing Amerika para bantayan ito at makasama ito. Patuloy rin ang mga malalapit na kaibigan na dumadalaw sa Comedy King.

Nu’ng Sabado ng hapon ay namataan ng Startalk na dumalaw si Manny V. Pangilinan. Kinagabihan naman ay ang dating Pres. Erap ang dumalaw at medyo nagtagal nga raw ito sa ospital. Sinabihan pa raw si Eric na “I’m just a phone call away” kung kailangan ito. Nagpamisa pa raw si Erap kahapon para kay Mang Dolphy.

Meron ding misa ang buong pamilya sa Makati Medical Center kahapon ng hapon na dinaluhan ng mga anak ni Mang Dolphy, siyempre si Zsa Zsa Padilla at ilang malalapit na kaibigan.

Kaya patuloy pa rin ang pagdarasal sa ating Comedy King na malagpasan niya ito. Kung ano man ang mangyari, sana maging magaan na sa kanilang lahat lalo na kay Mang Dolphy siyempre, na huwag na siya masyadong mahirapan.

 

NAKU! ITUTULOY nga kaya ni Ruffa Gutierrez ang sinabi nito sa Twitter account niyang magri-resign na siya sa Paparazzi?

Nagalit ito sa ginawang birthday presentation sa kanya ng Paparazzi na tingin nito parang nabastusan siya sa Bulong ng Palad na portion ng naturang programa.

Hindi rin natin masisi si Ruffa na magalit at ma-offend siya sa ginawa sa kanya ng mga co-hosts niya na parang nabastusan siya sa mga tanong na ibinulong sa kanya.

Nagulat na lang daw ang ibang mga host ng Paparazzi nang nag-tweet si Ruffa na magki-quit na nga ito. Marami pa siyang tinuwit na ang dinig ko, nasaktan ang ilang mga taga-Paparazzi.

Sana maayos ito at magbago pa ang isip ni Ruffa. Sabi naman ng mga taga-TV5, iimbestigahan nila ito at sana nga maayos.

Abangan na lang natin.

 

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

loading...

One thought on “Dolphy, pinalalakas ng dasal ng mga nagmamahal

  1. KARMAHIN SANA ANG MGA NAGSASABING PATAY NA SI DOLPHY, HOY, BUHAY PA AT MALAKAS PA ANG HARI NG KOMEDYA KAYA HUWAG KAYONG EPAL! IPAG-PRAY NA LANG NATIN ANG MABILIS NG PAGRECOVER NIYA

Leave a Reply

Your email address will not be published.