Displaced Persons sa Sabah, Umabot na sa 5,692

UMABOT NA sa 5,692 ang bilang ng mga displaced person dahil sa gulo sa Sabah sa pagitan ng mga tagasuporta ni Sultan Jamalul Kiram III at Malaysian forces.

Lumalabas sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 2,951 dito ay pawang matatanda habang 2,107 ang mga bata.

Bineberipika naman ang pagkakakilanlan ng 634 iba pa na dinala rin sa Basilan, Sulu at Tawi-Tawi (BASULTA).

Sa ngayon, mula Zamboanga ay tumulak na sa Taganak, Turtle Islands sa Tawi-Tawi ang Crisis Management Committee ng Office of Civil Defense ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMMC) at BASULTA.

Magtatayo sila ng one-stop shop doon para maproseso ang inaasahang nasa 10,000 Pinoy galing Sabah ayon na rin kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Dinky Soliman.

Samantala, binubuo ang komite ng mga social worker at opisyal ng Turtle Islands na tutulong sa mga Pinoy na makakuha ng legal na dokumento at mabigyan ng psycho-social help.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.