Director sa DTI, Isinusuka ng mga Tauhan

Isang director na nagngangalang Myrna M. Sunico ng Product Development and Design Center of the Philippines, isang ahensiyang nakapaloob sa Department of Trade and Industry, ang matagal na umanong isinusuka ng kanyang sariling Execom members at mga pangkaraniwang empleyado ng ahensiyang ito, dahil sa mga hindi katanggap-tanggap na asal na ipinakita nito sa loob lang ng halos anim na buwan nitong pamumuno sa nasabing ahensiya.

Si Director Sunico ay nagsi-mula lang manilbihan sa gobyerno bilang director noong March 22, 2010. Sa maikling panahong ito ng kanyang pamumuno, ganoon naman kahaba ang mga reklamo at hinaing sa kanya ng mga nasabing empleyado.

Isa na rito ang madalas na pagpapahayag  niya ng ‘kawalang-tiwala’ sa mga empleyado na kung minsan, may kasama pang ‘pambobobo’ at ‘pang-iinsulto’ sa kanila, harapang pagpapagawa ng mga ‘sketches’ sa mga designers na agad din naman niyang kukusutin at itatapon lang sa basurahan nang walang balidong paliwanag.

Madalas din siyang magbigay ng pabor sa mga dati niyang estudyante sa pagbibigay sa mga ito ng mga special assignments o training isang araw lang mula nang mag-report ito sa trabaho, o halos wala pang ‘kontrata’ na dapat o kadalasang ibinibigay lang sa mga permanenteng empleyado.

Sinasabotahe rin umano ni Sunico ang mga proyekto at gawain ng pamahalaan at ahensiya tulad ng hindi pag-apruba sa madalas na request ng ibang tanggapan ng gobyerno (national man at local) para sa serbisyo ng mga designers ng PDDCP. Sa halip, kukuha ang director na ito ng mga free-lance designers o mga taga-labas sa napakamahal na halaga na magdudulot pa ng dagdag gastos para sa gobyerno. Madalas pa niyang sinasabi o ipinagmamalaki na ito ay utos daw ni DTI Secretary Gregory Domingo.

Ilan lang ito sa mga pangyayari na nagdulot sa mga empleyado upang sila ay lumagda at hilingin sa pamunuan ng DTI ang pagpapalit, pagbibitiw o hindi pagrekomenda kay Sunico para sa re-appointment. Pero bago pa man ang itinakdang pag-uusap ng management ng DTI at mga empleyado ng PDDCP noong September 1, 2010, tila mabilis na kumilos ang DTI upang irekomenda at hilinging ma-re-appoint ang director na ito. Taliwas ito sa inaasahan ng mga kawawang empleyado ng Design Center. May balita ring si Sunico ay malapit sa asawa ng DTI secretary.

Nangangamba ang mga kawani nito na tuluyan nang gamitin ni Sunico ang kanyang kapangyarihan para sa sarili niyang kapakinabangan o ng mga taong nasa paligid niya at malagay sa alanganin ang mandato ng Design Center na 37 taon nilang inalagaan.

Sa kabila ng demoralisasyong dala ng pamumuno ni Sunico, patuloy pa rin sa pagganap ng kanilang tungkulin ang mga kawani nito dala ang pag-asa at panala-ngin na sa lalong madaling panahon ay marinig ang boses nila, tulad ng ipinangako ni Pangulong Noynoy Aquino. (Pinoy Parazzi Reportorial Team)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.