DIRECT HIRING PARA MAKATIPID?

NAGBABALAK PO AKONG mag-abroad. Pinag-iisipan ko pa kung dadaan pa ako sa ahensiya at sa POEA para sa pag-aaplay. Ngayon po kasi’y maaari nang makausap ang employer sa abroad sa pamamagitan ng internet. Sa katunayan, madalas po kaming mag-chat at na-interview na niya ako. Sabi pa niya sa akin, siya na ang bahalang lumakad ng aking work permit basta’t ang importante ay makarating ako roon sa kanya kahit sa ilalim ng tourist visa. Ang pinsan ko po ay ganitong sistema rin ang ginamit. ‘Pag direct hiring daw, mas mabilis ang proseso at ‘di na kailangang magbayad ng placement fee. Mas matipid daw. Ano po ang ipapayo n’yong gawin ko?—Cherovie ng Caloocan City

MARAMI NANG HUMIHINGI ng payo sa akin tungkol sa bagay na ‘yan. At marami na rin ang nakapag-abroad sa pamamagitan ng direct hiring. Tama sila sa isang banda, mas mabilis at matipid ang ganitong sistema ng pag-aaplay sa trabaho.

Ngunit kailangang magsagawa ka ng pag-iingat. Okey lang na hindi ka dumaan sa recruitment agency. Para ‘di ka na kailangang magbayad ng placement fee. Ngunit hindi ito nangangahulugan na hindi ka na dadaaan ng POEA. Maaari kang lumapit sa POEA upang direktang makakilala ka at mag-apply sa isang employer. May konek ito sa mga principal sa ibang bansa. Ngunit ang mas mahalaga, kailangang aprubahan muna ng POEA ang iyong kontrata na lalagdaan sa dayuhang employer. Ang pagpoproseso ng iyong aplikasyon ng POEA ay para rin sa iyong proteksiyon. Marami na tayong kababayan ang nabibiktima ng mga iligal at abusadong employer na dumirekta sa ating mga kababayan.

Isa pa, nasa POEA ang talaan ng mga bansa na maayos at ‘di maayos ang trato sa ating mga manggagawa. Mahalagang malaman mo muna ito. Halimbawa, magpapadala lamang tayo ng OFW sa mga bansa na may mga batas na nagbibigay ng proteksiyon sa ating mga kababayan. Dapat din na ang mga bansang ito ay nakalagda sa mga pandaigdigang kasunduang gumagalang sa karapatan ng mga worker. At hangga’t maaari ay may bilateral labor agreement (BLA) ang Pilipinas at ang ibang bansang ito.

By Atty. Ome Candazo

LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO!

Maaari n’yo ring i-text ang inyong mga katanungan na may kinalaman sa OFW o iba pang usaping legal sa:

PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users)

O kaya’y mag-e-mail sa omecandazo@yahoo.com

By Atty. Ome Candazo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.