Dinukot na 3 Pinoy Nurse sa Libya, Ligtas na

KINUMPIRMA NG Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagdukot sa tatlong Pinoy nurse sa Sebha, Libya.

Ayon kay DFA Asec. Raul Hernandez, nailigtas na ang tatlo matapos makatakas ang isa at makahingi ng tulong para sa dalawang kasamahan.

Lumalabas sa report ng DFA na alas-9:00 ng gabi noong Hulyo 8 nang isakay ang Pinay nurse at dalawa pang Pinoy nurse na kasama nito sa isang sasakyan at dinala sa isang tagong lugar.

Nakita ito ng taxi ng drayber na madalas sakyan ng tatlo kaya dali-dali nitong ipinaalam sa mga Pinoy roon ang pangyayari na sila namang nakipag-ugnayan sa embahada ng Pilipinas.

Magha-hatinggabi nang makatakas ang isang Pinoy nurse at nagpasaklolo sa isang pamilyang Libyan na tumawag sa mga awtoridad.

Natunton rin naman agad ang lokasyon ng mga dinukot na nurse at nailigtas.

Base sa ulat ni Philippine Ambassador to Libya Oscar Orcine, ligtas na ang tatlong Pinoy at patungo na ng Tripoli para magpahinga.

Hindi pa rin matukoy ang grupong dumukot sa tatlong nurse.

Samantala, nakikipag-ugnayan na ang embahada ng Pilipinas  sa Ministry of Foreign Affairs ng Libya para matiyak ang seguridad ng mga Pinoy sa nasabing bansa.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.