Dingdong Dantes, napapaaway kay Bayani dahil kay Marian Rivera

BILANG LALAKI, MARAMI naman ang sumasaludo kay Dingdong Dantes pagdating sa napakagandang pagtrato sa mga babae. Bukod kasi sa napakaguwapo niya, mabait, napaka-gentleman at may breeding na umaapaw, kaya parang wala kang maipipintas sa kanyang personality. Napatunayan ang mahusay na pag-aalaga ni Dingdong sa mga nakarelasyon, sa pamamagitan nina Antoinette Taus, Karylle at Marian Rivera. Siya ‘yung tipo ng lalaki na masarap mahalin, pero mahirap kalimutan.

Kaya nga, hindi na nakapagtataka na nagkaroon sina Dingdong at Bayani Agbayani ng gusot kamakailan, na nanggaling sa isang lumang isyu. Nagkasama dati sina Marian at Bayani sa isang eksena sa taping ng Show Me Da Manny ng GMA-7, kung saan gumanap na parang Bondying ang komedyante, may dedeng malaking bote, at mula sa bibig ay nabugahan ni Bayani ng gatas ang girlfriend ni Dingdong, sa tapat ng kanyang dibdib.

Ang buong akala ni Bayani, dahil ang tagal na noon, ay okey na iyon kay Marian. Na wala rin naman iyon kay Dingdong bilang boyfriend niya, dahil ang lahat naman ay nangyari lang sa isang nakakatawang eksena sa sitcom. Mga artista nga naman sila, na dapat ay nagkakaunawaan at nagpapasensiyahan sa mga hindi sinasadyang pangyayari sa taping. Pero hayun na nga, iyon ang naging ugat ng muntikang pagtatalo nina Dingdong at Bayani.

Ipinag-tatanggol lang naman ni Dingdong ang kanyang karelasyon. Kaya lang, nakaka-bother na ‘yung pati si Dingdong ay nadamay. Hindi ako close kay Marian, pero misteryosa ang image niya sa showbiz. Hindi maganda ang pinag-uusapan tungkol sa kanya. May itinatago raw masamang ugali ang reyna ng Siyete, gaya ng kasupladahan, kamalditahan, kayabangan at pagiging palengkera. Lagi namang si Dingdong ang nagtatanggol sa kanya. Pero sana, kung gaano siya ka-nega sa paningin ng maraming tao sa showbiz, huwag sana niyang mahila si Dantes sa pagiging nega. Hayan nga, nang dahil sa kanya ay napapaaway na sa kapwa artista. Hindi kasi nasasangkot sa gulo ang guwapong aktor nu’ng hindi pa siya ang karelasyon nito, ‘noh!

BILANG MIYEMBRO NG third sex na sikat na sikat ngayon sa showbiz bilang TV host at komedyante, sobrang maingat si Allan K pagdating sa pagkakaroon niya ng kaugnayan sa mga lalaki. Una sa lahat, hindi lang siya showbiz personality, kundi napakayaman na rin niya. Bukod kasi sa pag-aartista, negosyante rin naman siya. Kinaiinggitan nga siya ng maraming bading sa showbiz, dahil napakagaling niyang magdala ng kanyang lovelife.

Ang buong showbiz kasi ay teritoryo ng mga magaganda at guwapong kabataan. Pero kung ang ibang bading ay nahihirapan na makapanligaw sa mga guwapong lalaki para maging karelasyon nila, kabaligtaran daw iyon ni Allan K. Ang mga naguguwapuhang kalalakihan na kapanta-pantasya sa maraming bading, sila pa nga ‘yung gustong magpakilala at gumagawa ng paraan para mapalapit sa sikat na komedyante.

Maingat si Allan K sa mga lalaking nagpaparamdam na mapalapit sa kanya. Hindi naman kasi niya alam kung ano ang motibo ng mga nasabing lalaki. Pupuwedeng gusto lang pumasok ng trabaho sa kanyang mga negosyo, halimbawa’y guwapong waiter sa mga comedy bars na kasosyo siya. Baka rin daw ang paglapit ng iba ay gusto lang magpatulong para makapasok sa showbiz at mag-artista. Sa usapin naman ng pagpatol kaagad sa mga naglipanang kalalakihan sa showbiz, ayaw niya ng gusot at eskandalo. Malalim ang kanyang pagpapahalaga sa kanyang propesyon: Ang magpatawa at magpasaya ng mga tao.

Nakakabilib ang pagiging maingat ni Allan K sa usapin ng pagiging bading. Hindi siya puwedeng maakusahan na balahura. Usap-usapang marami nang sumikat na lalaki sa showbiz ang nagkaroon ng kaugnayan sa kanya. Pero wala siyang ipinangangalandakan. Kapag kinulit at pinaamin mo siya kung sino ang hari ng kanyang puso, malakas na halakhak lang ang igaganti niya sa iyo para makaiwas siyang mapaamin kung sinu-sino ang mga sikat na lalaking nakarelasyon na niya.

ChorBA!
by Melchor Bautista

Previous articleSa sobrang kagipitan: Aktor, pinagkakakitaan ang anak na may dengue?!
Next articleSam Pinto, tuloy na sa Siyete?!

No posts to display