Diether Ocampo, kakasuhan sa P3.6M na utang

UTANGKinakaharap ngayon ng aktor na si Diether Ocampo kasama ang kanyang partner at isang publishing company ang mahigit P3.6 milyong utang sa isang printing firm na konektado sa pagpapalimbag ng kanyang men’s magazine.

Sa inihaing reklamo ni Leonardo Uy, General Manager ng Velprint Corp. laban sa aktor at sa partner nitong si Neil Angelo Romero, kasama ang 5 Leaf Publishing Corp., inarkila ng mga nabanggit ang serbisyo ng kanyang kumpanya upang ilimbag ang UNO Magazine na pag-aari ni Ocampo mula buwan ng Hunyo hanggang Disyembre taong 2009 sa halagang P4.1 milyon.

Nagbigay ng postdated na tseke ang 5 Leaf para mabayaran ang nasabing halaga subalit hanggang Hulyo 22 ngayong taon, P490,000 pa lang ang nababayaran.

Ang ibang tseke ay hindi tinanggap sa bangko sa dahilang wala na itong sapat na pondo. Sinubukang muli ng Velprint na maningil sa 5 Leaf ngunit hindi na ito pinansin ng huli, ayon sa pahayag ni Uy.

Dawit sina Ocampo at Romero sa inihaing reklamo kahit na ang kontrata ay sa pagitan lamang ng Velprint at 5 Leaf dahil ang dalawa’y tumatayong “accommodation parties” ng naturang publishing firm, ayon pa rin kay Uy.

Ang nasabing kaso ay napunta kay Judge Bayani Vargas ng Quezon City Regional Trial Court Branch 219 noong nakaraang linggo.

Sa panig ng aktor, inalis na raw ng aktor ang lahat ng shares nito sa 5 Leaf ayon kay Thess Gubi, manager ni Ocampo.

“It’s best that they get in touch with 5 Leaf’s management to address the issue. I have asked my lawyers to look into it to make sure everything’s okay,” sabi ni Ocampo sa isang text message.

Pinoy Parazzi News Service

loading...

One thought on “Diether Ocampo, kakasuhan sa P3.6M na utang

Leave a Reply

Your email address will not be published.