‘Di Pagpapakita ng Source Code, Labag sa Batas

LABAG SA batas ang hindi pagpapakita ng source code o human readable instructions ng precinct count optical scan (PCOS) machines na gagamitin sa May 13 polls.

Ito ang sinabi ni dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Augusto Lagman na isa ring IT expert sa naging panayam ni Chairman Sixto Brillantes na hindi na ito interesado sa source code dahil masyado nang huli at kahit maibigay pa ay wala nang panahon para ma-review.

Ayon kay Lagman, magiging blangko ang lahat kung tama ba ang naturang code at kung tama ang na-ging proseso ng pagbibilang sa boto dahilan sa kawalan ng source code.

Mahihirapan aniya ang sinumang maghahabol matapos ang eleksyon at ang may nais malinawan ang proseso ng bilangan.

Pagbabahagi ni Lagman, sa 30 bansang nag-automate ng botohan, 18 ang bumalik sa manual counting dahil hindi malinaw kung paano binilang ang mga boto.

Smartmatic ang supplier ng PCOS habang ang Dominion Voting Systems naman ang nagmamay-ari ng source code.

Hanggang ngayon, 20 araw bago ang eleksyon, hindi pa rin naipapakita ang source code, taliwas sa sinasabi ng batas.

Una nang ikinatuwiran ni Brillantes na magiging maayos pa rin ang pagtakbo ng eleksyon kahit wala ito. Para lamang aniya ito sa credibility purposes at wala namang magiging kuwestiyong legal sa eleksyon.

Ngunit sa paghimay ng dating komisyoner sa kung ano at paano makakaapekto ang source code, lumabas ang implikasyon ng posibleng epekto nito.

Ayon kay Lagman, may computer unit sa loob ng PCOS na nangangailangan ng program, tulad ng source code na likha ng isang programmer .

Ang source code ay naiintindihan ng tao ngunit hindi ng computer o PCOS.

Dito kailangan ng tinatawag na object code o binary code na siya namang naiintindihan ng computer code.

Compiler naman ang tawag sa nagta-translate ng source code patungo sa binary o object code.

Hindi aniya basta-basta ibinibigay ng may-ari ang source code dahil “trade secret” ito.

Magagamit ang source code sa pag-review kung paano nabilang ang mga boto.

Kung hindi malalaman ang source code, “hindi natin mare-review kung tama ‘yung ginawang source code, ‘yung instructions sa PCOS machines.”

Hindi na rin malalaman kung posibleng may mali sa coding o kung may manipulasyon na maaari rin aniyang mangyari.

Sang-ayon sa batas, sinabi ni Lagman na dapat noong isang taon pa ipinakita ang source code.

Dahil walang source code ngayon, walang rerebisahin.

Pagbubunyag pa ni Lagman, “Noong 2010 (polls) hindi ipinakita ang source code sa atin.”

Sa mga report ng mga swindler na kaya umanong manipulahin ang resulta, posibleng may kakayahan ang mga ito na baguhin ang source code sa tulong ng nakaaalam na programmer. Kung matagal nang napag-aralan ang source code, posibleng alam na nito ang mga gagalawin.

Dito aniya mahalagang maipakita ang source code.

Nilinaw naman ni Lagman na hindi agad-agad binibitawan o ipinapakita ng Smartmatic ang source code dahil “hindi sa kanila eh, mayroong international copyright laws.”

Kaya kung may magre-reklamo at nais ma-review ang proseso ng pagbibi-lang partikular sa proseso ng source code-compiler-binary code, wala nang magagawa ang Comelec at political parties.

Sa depensang binary code lang ang kailangan, nilinaw ni Lagman na “kailangan ang source code para ma-review natin.”

Kung may maghahabol man, mahihirapan dahil walang ipinapakitang source code.

Buwan aniya ang aabutin bago ma-review ang source code kaya masyadong huli na kahit pa pumayag pa ang Dominion Voting Systems.

Samantala, bukod dito, tila hindi rin naiintindihan ng Supreme Court ang isyu, ani Lagman.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.