‘Di Nakuha ang Anak: Kelot, Ginulpi ang Dating Kinakasama

SWAK SA kulungan ang isang lalaki matapos saktan ang dating kinakasama nang hindi ibigay ng huli ang kanilang anak na totoy sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Nahaharap sa kasong Physical Injury in Relation to Violence Against Women and Their Children si Jaypee Lopez, 30, ng Tagaytay St., ng lungsod.

Sa ulat, alas-11:20 ng gabi, pinuntahan ng suspek ang dating kinakasama na si Sheryl, 24, sa Pag-asa St., Bagong Barrio at kinausap upang makuha ng una ang anak na lalaki na 3-taong gulang.

Hindi pumayag ang biktima at agad na dinala sa ikalawang palapag ng kanilang bahay ang bata na sinundan ng suspek.

Suntok at sabunot ang inabot ng biktima sa suspek at natigil lamang nang magdatingan ang mga barangay tanod na tinawag ng mga kapitbahay matapos marinig ang kaguluhan.

Hindi na nakapiyok ang suspek nang dalhin ng mga tanod sa presinto at masampahan ng mga nasabing kaso.

(MARY H. SAPICO)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.