‘Di lang si Bong: Jinggoy, Recto at TG, kinausap din ni PNoy

KINUMPIRMA MISMO ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III na maliban kay Sen. Bong Revilla, kinausap din nito ang mga senador na sina Jinggoy Estrada, Ralph Recto at Teofisto Guingona hinggil sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.

Inihayag ng punong ehekutibo na bunsod daw ito ng mga intelligence reports na umano’y pressure sa mga naturang senador.

Sinabi ng Pangulo na lalabas naman siyang iresponsable kung hindi sila haharapin at pakikinggan upang makontra ang nasabing mabigat na pressure.

Pinayuhan daw nito ang mga mambabatas na bomoto sang-ayon sa merito ng kaso.

Naisip naman umano ng Pangulong Aquino na maaaring mapulaan ang hakbang, pero itinuloy pa rin para malinawan ang naturang isyu.

Hindi naman nababahala ang Palasyo na maaaring impeachable offense ang ginawang pakikialam ni PNoy sa Corona impeachment trial ng Senado, sang-ayon sa alegasyon ni Revilla sa kanyang privilege speech.

Ayon kay Communications Sec. Sonny Coloma, ang impeachment ay isang congressional action at hindi naman sila nababahala.

Bago ito hinamon pa ang senador na magpaliwanag sa taumbayan hinggil sa kinakaharap na kaso kaugnay sa umano’y paglustay sa kanyang PDAF.

Ito umano ang tunay na isyu at hindi dapat ilihis sa ibang usapin.

Sinagot din ng Palasyo ang dalawang puntong binanggit ni Revilla sa kanyang privilege speech.

Isa rito ang pagsundo ni Interior Sec. Mar Roxas kay Revilla para makausap ang pangulo sa Bahay Pangarap.

Nilinaw rin ni Coloma na hinggil ito sa sumbong ng mambabatas na may grupong pumi-pressure sa kanya sa impeachment trial ni Corona, kung saan pinayuhan daw ng Pangulong Aquino ang senador na gawin ang tama.

Aniya, kinokondena rin ng punong ehekutibo ang unfair na pagkakaladkad ni Revilla sa kanyang kapatid na si Ballsy at bayaw na si Eldon Cruz hinggil sa $30-million extortion attempt sa Czech company na Inekon.

Nagsalita na rin raw ang Czech ambassador kung saan nilinaw ang kanyang kapatid at bayaw.

Napag-alaman na nakinig din si PNoy sa talumpati ng senador bago nanguna sa One Nation in Prayer sa Palasyo.

“Kaya nga po, ano, ang aking paliwanag hinggil sa pakikipagkita ng Pangulo ay upang tuwirang tukuyin ‘yung isyu hinggil sa pagkakaroon ng pressure sa mga senador. Kaya po ‘yon ang kanyang tuwirang tinukoy kay Senador Revilla, at ang sagot naman ng senador—at narinig naman nating lahat ang sinabi niya sa kanyang talumpati—‘I will do what is right,’ at batid po natin na sa pagboboto ay bumoto naman siya para sa conviction ni Chie Justice Corona,” pahayag pa ni Coloma.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.