‘Di lahat ng edukado, matinong lider – Sen. Chiz

HINDI PA man naisasampa bilang panukalang batas, agad nang kinontra ang kagustuhan ni Senador Miria¬m Defensor Santiago na bawal nang tumakbo sa pambansang posisyon ang mga hindi nakapagtapos ng kolehiyo.

Ang nasabing mungkahi ay balak ipasok ng mambabatas sa nireretokeng Saligang Batas o ChaCha (Charter change) na isinasayaw na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Sinabi ni Sen. Francis Escudero, hindi maaaring ang educational attainment lamang ang maging batayan ng sambayanan sa pagpili ng mga magi¬ging lider ng Pilipinas.

“Hindi naman garantiyang gagawa ng matino ang nakapag-aral. Tingnan mo na lamang sa kaso ni GMA, may doctorate pa siya, eh tingnan mo kung saan tayo napunta at kung anong ginawa niya habang nasa puwesto,” pahayag ni Escudero sa nangyari sa Administrasyong Arroyo bilang reaksyon sa mungkahi ng senadora.

“Able to read and write lang ang requirements sa ngayon,” ayon pa sa mambabatas.

Para kay Escudero, dahil hindi naman libre ang edukasyon sa kolehiyo, nananatiling isang pribilehiyo at hindi karapatan ang pagkakaroon ng diploma sa antas na ito.

“Hangga’t hindi karapatan ang pagtatapos at pag-aaral hanggang kolehiyo ng bawat Pilipino, hindi natin puwedeng gawing mandatory requirement sa pagtakbo at paninilbihan sa pamahalaan dahil sa ngayon ay pribelihiyo lamang ang pagtatapos sa pag-aaral hanggang kolehiyo,” ani Escudero.

“Sana ay hindi ma-limitahan ang mga taong puwede at puwedeng matanggap para manilbihan sa pamahalaan,” dagdag pa ng mambabatas.

“Ang pagkakaroon ng malinis at dalisay na ha¬ngarin na magsilbi sa sambayanan at sa kapwa Filipino, hindi naman po ‘yan natuturo sa eskuwelahan lamang.”

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.