DFA, Nakikipag-Ugnayan sa US Embassy Kaugnay ng Spy Plane

NAKIKIPAG-UGNAYAN ANG Department of Foreign Affairs (DFA) sa Embahada ng Amerika sa bansa kaugnay ng US drone na natagpuan sa karagatan ng Masbate.

Sa press statement na ipinalabas ni DFA spokesman Asst. Secretary Raul Hernandez, kumikilos na rin aniya ang Visiting Forces Agreement (VFA) Commission sa pangunguna ni retired general Ed Adan para alamin ang tunay na sanhi ng pagkakapadpad ng nasabing sasakyang panghimpapawid sa teritor-yo ng bansa.

Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensiya sa Department of National Defense at tinitiyak nila sa publiko na tututukan ng DFA ang naturang isyu.

Samantala, tumanggi munang magkomento ang Palasyo sa narekober na spy plane ng Amerika.

Sa briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na hinihintay pa nila ang kumpirmasyon ng DND ukol dito.

Una nang natagpuan ng mga mangingisda sa karagatang sakop ng Sitio Tacdugan, Ticao Island ang palutang-lutang na unmanned aerial vehicle (UAV).

Nilinaw naman ng embahada ng Amerika sa Maynila na isang air defense target, hindi armado at hindi ginagamit sa surveillance ang narekober na UAV.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.