DFA: MAG-DESISYON KA NA!

BALAK KO PO sanang mag-apply na DH sa Saudi. Pero may nagbalita sa akin na magkakaroon daw ng ban doon para sa mga aplikanteng katulad ko. Ano po ang balita n’yo tungkol dito?                                    – Tessie ng Cagayan de Oro

HINDI LANG IKAW ang naguguluhan tungkol sa isyung ito. Marami pang katulad mo ang bitin kung mag-a-apply o hindi bilang domestic helper sa ibang bansa, partikular sa Saudi.

Pero totoo ang nabalitaan mo na may nakaambang ban sa DH sa nasabing bansa. Ito ay kung idedeklara ng DFA ang “decertification” ng Saudi bilang bansang papasukan ng ating mga DH. Ang ibig sabihin, posibleng tuluyan na ngang isara ang Saudi para sa mga DH. Paano mangyayari ito?

Itinatadhana kasi ng batas (ng RA 10022) na ang DFA ay magsasagawa ng “certification” ng iba’t ibang bansa kung papasa ang mga ito bilang employer ng ating mga kababayan. Aalamin ng DFA kung may mga batas na nangangalaga sa ating mga OFW o kung maganda ang trato sa atin ng nasabing mga bansa. Kung laganap ang pagmaltrato sa ating mga kababayan doon, hindi mag-iisyu ng certification ang DFA at ‘di na tayo magpapadala ng mga manggagawa roon.

Kung maayos naman ang trato ng mga employer sa ating mga kababayan, ang nasabing bansa ay bibigyan natin ng cerification na puwede tayong magpadala roon ng mga OFW. Ang ibig sabihin, ang bansang iyon ay may mga batas o treaty na nangangalaga sa kapakanan ng ating mga kababayan.

Ang problema, hanggang ngayo’y bitin ang Saudi. Hindi malaman ng DFA kung ise-certify ito o hindi. Pinag-aaralan pa raw ang mga kalagayan ng ating mga kababayan doon. Por dios por santo! Ngayon pa lang nila pinag-aaralan ang Saudi?

Mahigit 30 taon na tayong nagpapadala ng mga OFW roon! Hindi n’yo alam, ang ibinibitin n’yo ay ang mga kababayan natin na hindi malaman kung itutuloy ang kanilang pag-a-apply o hindi.

LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO!

Maaari n’yo ring i-text ang inyong mga katanungan na may kinalaman sa OFW o iba pang usaping legal sa:

PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users)

O kaya’y mag-e-mail sa omecandazo@yahoo.com

By Atty. Ome Candazo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.