Detractors ni Kris Aquino, nagbubunyi!

OLA CHIKKA!! LAHAT nga ay nagkagulo rito sa pagtatapos nitong Pinoy Big Brother Teen Clash of 2010. Noong Sabado ng gabi ay ginanap ang Unite at the Big Night sa Ynares Sports Complex sa Antipolo City, at doon nasaksihan ang gitgitang laban nitong Big 6. Marami ang nagulat sa naging resulta dahil hindi inaasahan ng marami ang pagkapanalo nitong si James Reid bilang Big Winner.

Kung tutuusin, una pa lang ay ayaw na niyang maging Big Winner dahil ‘ika niya ay maraming mas deserving sa kanya lalo na’t napakalaki ng prizes na para sa kanya ay masyado ‘yung malaki para mapasakanya. May mga housemates siyang mas nangangailangan niyon. Dagdag pa niya, minsan na siyang lumabas ngunit pinalad pang makabalik, kaya ang maging Big 6 ay napakalaking bagay na, eh ano pa kaya ang maging Big Winner?!

In fairness naman, he deserves his victory dahil una pa lamang ay siya na talaga ang gusto kong manalo dahil sa kanyang talino at talento. Bawat sinasabi niya ay may laman at hindi puro biro gaya ng ibang housemates. Marahil marami ang nagtatanong dahil wala naman siyang lahing Pinoy, bakit isang teen-ternational ang nanalo bilang Big Winner?

Well, wala na tayong magagawa dahil taong bayan na ang humusga at sa ayaw o sa gusto n’yo, may hitsurang Pinoy pa rin si James kaya… ayos pa rin!

Gaya ni James, lahat sila ay deserving sa kanilang posisyon na mapasama sa Big 6. Sinundan ni Ryan Bang ang tagumpay sa 2nd place, si Fretzie Bercede sa 3rd place, Devon Seron sa 4th Place, Ivan Dorschner sa 5th place at si Brett Jackson II sa 6th place.

Sayang din itong si Ivan dahil marami ang umasang siya ang magiging Big Winner dahil sa husay at talinong ipinakita niya sa loob ng bahay ni Kuya. Ngunit sabi ko nga, tanggapin na lang dahil tapos na at napasama pa rin siya sa finals, at iyon din ang patuloy na ipinaliliwanag ko sa aking anak na die-hard fan nitong si Ivan.

Hayaan mo na anak, dahil hindi man siya Big Winner, tiyak na uusbong ang showbiz career n’yan. ‘Di ba?!

MULI NA NAMANG binubulabog ni Kris Aquino hindi lamang ang mundo ng showbiz, kundi maging ang pulitika. Napabalitang on-the-rocks na naman ang relasyon ni Tetay sa kanyang asawang si James Yap nang kumalat ang pag-aalsa balutan nitong si Kris, bitbit ang kanyang dalawang anak na sina Joshua at Baby James.

Dahil sa problemang ito ni Kris, nasasapawan na tuloy ang inagurasyon ng kanyang kapatid sa June 30, 2010.

Hindi pa man nauupo si Kris, mukhang nagkakatotoo na ang paratang ng kanyang mga detractors na siya ang sisira sa imahe ni President-elect Benigno Aquino III.

Ay, naku Tetay! Mukhang magdiriwang ang iyong mga haters kaya naman kung patuloy kang mananahimik ay lalo lamang lalala ang situwasyon at iba’t ibang ispekulasyon, na makasisira hindi lamang sa iyo, kundi maging sa iyong kapatid.

Personal na bagay ‘yang pinagdaraanan mo gaya ng ibang tao, ngunit bilang ‘First Sister’, buong Pilipinas ay nakatutok sa bawat galaw mo. Kaya gaya ng ipinangako mo, na konting ingat sa mga sasabihin at gagawin, panindigan mo.

At para sa mga naninira kay Kris, ipinaaalala ko lamang po na walang perpekto, kaya ingat-ingat din sa pamumuna at panlalait. Tamah?!

BLIND ITEM: PITIK-BULAG! Sino siya?! Sino itong young politician na madalas makita sa column ng mga tabloid na puro negative ang nakasulat? Dahil daw sa maraming tao ang naniniwala sa kanya, ganu’n kabilis na lang daw lumaki ang ulo nito. Ubod ng yabang daw at sanhi ng problema ng kapwa niya pulitiko.

Kamakailan lamang ay napapabalitang lagi raw sarado ang kanyang opisina kahit may tao dahil may ginagawa raw milagro at naaadik pa raw sa sugal. Hmmmm… Ano na naman kaya ito?

Ngunit hindi talaga ako naniniwala dahil sa talino ng politician na ito at bait niya na talagang namana niya sa kanyang ama ay imposibleng gawin niya ang mga akusasyon na iyon.

At ‘eto pa! Paano mo paniniwalaan ang mga chikka kung ito ay nagmula sa nag-iisang reyna ng nega na walang magawa kundi manira lalo na kung hindi siya nakakaharbat at ang bansag ko sa kanya ay walang iba kundi.. “Luci-FER”? Ha-ha! Alam n’yo na?! Sino itong young politician?! May kamukha siya lead vocalist ng isang banda. ‘Yun na!

At para pa rin po sa mga guestings, shows, advertisement of products, services and everything, maaari po namin kayong matulungan d’yan. Just call our OLA CHIKKA PRODUCTIONS’ office at 417-6181 or text 09274284216 para sa inyong mga katanungan. At patuloy pa rin po akong subaybayan sa aking programa sa DWSS 1494 kHz tuwing Sabado at Linggo, 10:30-11:30 A.M. at sa DZRH TV tuwing linggo from 2:30-3:30 P.M. Thank you very much and God Bless us all!

Ooola Chika
E-mail: [email protected]
by Tita Swarding

Previous articlePauleen Luna, Biktima ng Bukas-Kotse Gang!
Next articlePinagsabay raw sila ni Shaina Magdayao: Ruffa Gutierrez, Inilabas na ang Lahat-Lahat!

No posts to display