Desisyon ng SC sa Party-List System, ‘Di Ikinatuwa ni Brillantes

AMINADO SI Commission on Elections (Comelec) Chair Sixto Brillantes na may tampo siya sa desisyon ng Supreme Court (SC) ukol sa 54 petisyon ng mga party-list group na diniskuwalipika ng poll body sa May 2013 midterm elections.

Sinabi ni Brillantes na handa siyang sumunod sa desisyon lalo pa’t ngayon ay ibinalik sa kanila ang nakabinbing kaso ng mga grupo.

Sa huli, susundin pa rin aniya ng Comelec ang bagong ruling sa kabila ng kanyang mga personal na hinaing.

Nagbubukas aniya ng tsansa ang bagong ruling sa mga pulitiko na siya namang magpapababa ng tsansa sa mga maliliit na sektor na maikatawan.

Lamang na lamang umano pagdating sa impluwensya at makinarya ang mga political party.

Nilinaw rin ni Brillantes na hindi na rin aniya gaanong masama ang desisyon.

Samantala, magkakaroon muli ng pagdinig ang Comelec ukol sa mga kaso ng mga party-list sa ilalim ng bagong ruling.

Matapos ang 2013 polls, umaasa ang Comelec chair na maiaayos ang party-list system sa bansa.

Mariin namang binatikos ng grupong Anakbayan ang hakbang na ito ng SC.

Ayon kay Vencer Crisostomo, national chairperson ng grupo, sa halip umanong magbigay ng pagkakataon sa mga mahihirap, kakain lamang lalo ng mas malaking puwang para sa mga dominante nang grupo ang ruling ng SC.

Isang kabalintuanaan anila ang desisyon sa orihinal na intensyon ng pagkakaroon ng party-list.

“Expect more hacienderos, trapos and cabinet members to abuse system originally reserved for poor and marginalized sectors,” ayon sa nasabing grupo.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.