Demolisyon sa San Juan, 40 sugatan

SUGATAN ANG HALOS 40 katao matapos na manlaban ang mga ito sa isinasagawang demolisyon ng pamahalaang lungsod ng San Juan noong Martes ng umaga.

Ayon kay Vincent Pacheco ng San Juan Rescue Team, karamihan sa mga nasugatan ay mga bata, may nasaktan din umano sa panig ng demolition team, anti-riot police at sa panig ng mga residente.

Sa ulat, dakong alas-8:00 ng umaga nang magkaroon ng tensyon sa isinasagawang demolisyon sa mga residente sa Brgy. Corazon De Jesus ng nasabing lungsod.

Ang mga nasugatan ay dinala sa iba’t ibang pagamutan sa San Juan at Maynila na pawang nagtamo ng bukol, sugat at galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan bunsod ng tumamang bato at bote sa kanila.

Kabilang sa mga nasugatan na tinamaan ng bato sa ulo ay si San Juan City Engineer Danilo Mercado, pinuno ng demolition team.

Ayon kay Mercado, maraming beses na nilang sinabihan ang mga residente ng Brgy. Corazon De Jesus hinggil sa gagawin pag-demolish sa kanilang mga tahanan, ngunit nagmatigas umano ang mga ito na lisanin ang lugar, sa halip ay naghanda ng mga bato at bote para lumaban.

Bilang depensa, gumamit ng dalawang fire truck ang grupo ng Public Order and Safety ng City Government ng San Juan saka tinira ng water canon ang mga residente.

Nagpakawala naman ng teargas ang grupo ng anti-riot police ng Eastern Police District (EPD) para ma-nutralize ang sitwasyon ngunit hindi pa rin tumigil ang mga residente sa pambabato.

Sinabi pa ni Mercado, bago sila nagsagawa ng demolition ay inihanda na nila ang relocation area ng mga residente sa bahagi ng Antipolo City, Rizal ngunit tumanggi umanong lumipat ang mga residente.

Agad namang rumes-ponde sa lugar si dating Pangulong Joseph Estrada upang payapain ang tensyon at nangakong bibigyan lahat ng magandang relokasyon ang mga pinalilipat na residente.

(GIGI CONVOCAR)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.