Delivery Boy ng Yelo, Ginawang Malamig na Bangkay

NAGING MALAMIG na bangkay ang katawan ng isang delivery boy ng yelo makaraang tambangan ng tatlong hindi nakikilalang kalalakihan habang ang biktima ay sakay ng tricycle na ginagamit na pang-deliver ng yelo sa Malabon City kamakalawa ng madaling-araw.

Dead on the spot ang biktimang si Ramil Ultra, 39, may-asawa, at residente ng # 45 A. Bonifacio St., Brgy. Baritan ng nabanggit na lungsod.

Base sa ipinarating na ulat ni Malabon City Chief of Police Senior Supt. Ferdinand Ampil sa tanggapan ng Northern Police Distict (NPD), dakong alas-3:30 ng umaga nang maganap ang pananambang sa kahabaan ng A. Bonifacio Street.

Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ng Malabon City Police Station, sakay ang biktima ng nasabing tricycle at binabagtas ang lugar ng pinangyarihan ng insidente nang biglang nagdatingan ang tatlong hindi nakikilalang suspek na pawang armado ng kalibre .45 baril.

Walang anumang salita ay sabay-sabay na pinagbabaril ng mga suspek ang biktima na tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan at sa ulo na naging dahilan upang walang buhay na humandusay sa kalsada, habang ang mga suspek naman ay mabilis na tumakas patungong Naval Extention dala-dala ang kanilang mga baril na ginamit sa krimen.

Sa kasalukuyan ay nagsasagawa pa rin ang Malabon PNP ng pagsisiyasat upang matukoy ang mga salarin at malaman ang motibo sa pananambang sa biktima.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.