Deadline ng DSWD sa Relief, Idinepensa

IDINEPENSA NG Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang planong hanggang Disyembre na lamang ang pamimigay ng relief goods sa mga biktima ng super typhoon Yolanda.

Ayon kay Social Welfare Sec. Dinky Soliman, nais umano ng pamahalaan na matulungan ang mga biktima ng bagyo na makabangon sa sariling mga paa.

Nilinaw ng kalihim na gagawin lamang nila ito kapag natiyak na mayroon nang mapagkakakitaan ang mga kababayan.

Una rito, mahigit 1,000 mga kababayang hinagupit ng bagyong Yolanda ang nabigyan na ng trabaho ng pamahalaan sa ilalim ng emergency employment program.

Sinabi ni Labor Sec. Rosalinda Baldoz na mayroong 1,240 workers mula sa 48 barangay sa Ormoc ang tumatanggap ng sahod habang gumagawa ng paglilinis sa kanilang barangay.

Tinukoy ng kalihim na sa ilalim ng programa, naglaan ang pamahalaan ng P50-milyon na pondo at inaasahang tatagal ito ng 15 araw.

Ayon pa kay Baldoz, tatanggap ng minimum wage rate na P260 kada araw bilang sahod ang mga mabibiyayaan ng proyekto.

Samantala, lumagpas na ng P15-bilyon ang nalikom na pondo ng pamahalaan mula sa donasyon ng iba’t ibang mga bansa at international organizations para sa nagpapatuloy na relief at recovery operations sa mga sinalanta ng kalamidad.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.