Deadline Kontra Illegal Aliens sa Saudi, Extended

PINALAWIG NG gobyerno ng Kingdom of Saudi Arabia (KSA) ang July 3 deadline kaugnay ng “Saudization” o pagproseso ng mga dokumento ng mga foriegn workers para maging legal o kaya ay pagpapauwi sa kani-kanilang bansa.

Sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesman Raul Hernandez na napagpasyahan ang extension ng mismong mga opisyal ng Saudi labor office.

Nabatid na hindi kayang maiproseso ng mga opisyal ng naturang bansa ang mga papeles ng libu-libong manggagawa, kasama na ang mga Filipino workers.

Inihayag din ni Consul General Oriel Garibay ng Philippine Consulate General sa Jeddah, nasa gobyerno ng Saudi Arabia ang bola dahil lahat ng kinakailangang dokumento ng mga kababayan natin ay naibigay na ng Philippine government at ito ngayon ay pinoproseso na sa Passport Department at Ministry of Labor ng Saudi.

Hindi umano nagkulang ang pamahalaan ng Pilipinas dahil ginawa na nito ang tungkulin sa pagsumite ng mga kinakailangang dokumento ng mga kababayan sa gobyerno ng Saudi.

Kasalukuyang nasa mahigit 16,000 ang bilang ng mga Pinoy na pinoproseso ang dokumento sa Jeddah kung saan nasa 11,764 dito ang nais ipaayos ang dokumento upang manatiling nagtatrabaho doon samantalang ang nasa 5,813 naman ay nais umuwi na ng bansa.

Samantala nasa 375 pa lamang ang nabigyan ng exit visa, habang mahigit sa 400 pa lamang ang kanilang napauwi.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.