De Lima, sinabon sa Senado

SINABON SA Senado si Justice Secretary Leila de Lima dahil sa hindi pagdalo ng mga testigo sa P10 bilyong pork barrel fund scam sa pagdinig kahapon.

Iginiit ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman TG Guingona na una nang tiniyak sa kanya ng kalihim na dadalo sa pagdinig sina Benhur Luy, Gertrudes Luy, Marina Sula at Merlina Suñas.

Nakiusap pa aniya siyang dalhin din ang iba pang testigo at sinabi naman ni DoJ Chief na susubukan niya.

Pero nagpadala ng liham si De Lima para sabihing hindi niya ma-dadala ang mga witness dahil nasa diskresyon na ito ng Ombudsman ngayong nakapagsampa na sila ng kaso roon.

Binigyang-diin ni Guingona, “This is unprecedented.” Hindi aniya siya nag-isyu ng subpoena dahil pinanghawakan niya ang kasunduan nila ng kalihim.

Pinagbigyan pa nito ang hirit ng kalihim na ipagpaliban ang pagdinig kahapon, imbes na noong nakaraang Huwebes.

Paliwanag naman ni De Lima na matapos ang kanilang pag-uusap ay muli niyang pinag-aralan ang batas ng Ombudsman at nakasaad dito na bawal na ang anumang publicity oras na maiakyat doon ang kaso.

Hindi naman ito kinagat ni Guingona. Inungkat niya ang mga nagdaang pagkakataon kung kailan humarap sa Senado ang mga may nakabinbing kaso sa Ombudsman.

Para sa mambabatas, “You (De Lima) have undermined the power of the Senate Blue Ribbon Committee.” Iginiit ni Guingona na hindi niya papayagan ang sinuman na maliitan ang kapangyarihan ng komite.

Tinapat din niya ang DoJ Chief sa pagsasabing, “Hindi ko talaga maintindihan, Madame Secretary… I am disappointed with you.”

Mag-iisyu na ng subpoena ang komite para mapadalo ang mga witness.

Agad namang sinuspinde ni Guingona ang pagdinig.

Sa pagharap sa media, iginiit ng mambabatas na ginagawa lang niya ang kanyang trabaho. Kumpiyansa rin siyang suportado siya ng taumbayan sa pagpupumilit na mapadalo sa Senado ang mga testigo.

Samantala, personal namang humingi ng paumanhin si De Lima sa senador.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.