Dayuhang manggagawa na nagkalat sa bansa, pinaiimbestigahan

PINASISIYASAT SA Mababang Kapulungan ng Kongreso ang iligal na pagpasok sa bansa ng mga dayuhang manggagawa na umano’y ugat ng pagkawala ng trabaho ng maraming Pinoy.

Ang imbestigasyon ay isinulong sa Kamara ni TUCP Rep. Raymond Democrito Mendoza sa pamamagitan ng inihaing House Resolution 874.

Hinimok din ng mambabatas ang House committee on labor and employment na rebisahin ang umiiral na labor at immigration law para maprotektahan ang kapakanan ng mga manggagawang Pinoy at kanilang pamilya dahil ang mga dayuhang ito ang umaagaw sa oportunidad ng mga Pinoy na makapagtrabaho.

Ginawang halimbawa ng mambabatas ang report na may 3,000 Chinese nationals na inempleyo ng isang multinational company para magtrabaho sa construction sites sa Bataan at Batangas nang walang kaukulang working permits mula sa pamahalaan.

Paliwanag pa ng solon na sa umiiral na Omnibus Guidelines for the Issuance of Employment Permits of the Department of Labor (DOLE), ang isang foreign national na naghahanap ng hanapbuhay sa bansa ay kailangang mag-apply ng Alien Employment Permit bago pahintulutang makapagtrabaho.

Iginiit pa nito na ang mga dayuhang trabahador ay pinapayagan lamang dapat na magtrabaho sa bansa kung walang Pinoy na akma sa kailangang posisyon.

Dapat umanong maalarma na ang pamahalaan sa pagbuhos ng mga dayuhang manggagawa sa bansa.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.