David vs Goliath

SI JESUS BACOLOD, 47 years old, ay isang street sweeper sa Barangay 38, Zone 5 ng Pasay City. Siya ay humigit kumulang na may taas na 5 feet. May mga kapansanan si Jesus. Bukod sa medyo deformed ang kanyang katawan at kuba, at tabingi ring maglakad, sobrang payat din niya – animo’y kaya siyang tangayin ng hangin.

Noong October 14, Huwebes, dumulog ang maluha-luhang si Jesus sa WANTED SA RADYO (WSR). Ayon sa kanyang sumbong, noong umaga ng araw ring iyon, habang siya ay nagwawalis, nakasagutan niya ang isang babae na nakikialam sa kanyang trabaho.

Hindi nagtagal, dumating ang isang lalaki na nagpakilalang asawa ng nasabing babae. Ang lalaki ay si Benjie Gloria, Taekwondo championship competitor at bodyguard ni Pasay City Mayor Antonino Calixto.

Nang makita ni Gloria si Jesus, agad niyang pinagsusuntok at pinagsisipa ito umano. Walang kakayahang lumaban ang isang payatot na street sweeper sa isang professional martial arts expert kaya tinanggap na lang ni Jesus ang mga ginawang pananakit sa kanya ni Gloria.

Nang makausap ng inyong SHOOTING RANGE si Gloria, bagama’t itinanggi niyang binugbog niya si Jesus, sinabi niyang sinipa lang niya ito sa paa ng tatlong beses dahil gusto lang daw niyang bigyan siya ng leksiyon. Ngunit sa medical certificate na ipinakita ni Jesus sa WSR, lumilitaw na siya ay nagtamo ng mga pasa sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Sinabi pa ni Gloria na kung talagang binugbog niya si Jesus, sana durog na raw ang mukha nito. Ayon pa rin kay Gloria, tinatangka raw kasi siyang hampasin ni Jesus ng walis kung kaya’t sinipa niya ito ng tatlong beses bilang pagdepensa sa sarili.

KINABUKASAN, OCTOBER 15, Biyernes, ilang beses sinubukang tawagan ng WSR si Calixto ngunit bigo ang programa na makausap siya. Pero na-contact ng WSR si Engr. Albert Paredes, ang chief of staff ni Calixto.

Sinabi ni Paredes sa WSR na malawak ang kanyang katungkulan sa munisipyo dahil nasasakupan niya ang maraming departamento roon. Binanggit din ni Paredes na nakausap na niya ang bodyguard ni Mayor, at ayon sa kanya, mayroon din daw panig ang nasabing bodyguard.

Kaya ang kanya raw ipinayo sa diumano’y URCC (Universal Reality Combat Championship) competitor at bodyguard ni Mayor na si Gloria ay mag-file ng counter demanda laban sa maliit at payatot na street sweeper. Animo’y David versus Goliath ang dating.

Ilan sa mga sumama kay Jesus ang nagsabing si Gloria raw talaga ay sakit sa ulo sa kanilang lugar. At dalawa sa mga ito ay may mataas na tungkulin sa barangay.

Sa mga oras na isinusulat ang artikulong ito, October 18, Lunes, pormal nang inihahanda ng tanggapan ng Isumbong mo kay Chief PNP ang pagsasampa ng kasong kriminal (physical injury) laban kay Gloria sa pangunguna ni Col. Sotero Ramos, ang hepe ng nasabing tanggapan.

Sinadyang idinulog ng WSR sa Camp Crame sa halip na sa Pasay PNP ang pagsasampa ng kaso laban kay Gloria dahil sa pangamba na rin ng biktima na baka ma-whitewash umano ang kaso sapagkat maimpluwensiya ang amo ni Gloria sa Pasay.

Si Atty. Aga Arellano, na may programang ITO ANG BATAS sa DZXL ay nangakong magbibigay ng free legal assistance kay Jesus.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.