Dating Vice-Mayor, Patay sa Aksidente

NAGLULUKSA NGAYON ang mga kaanak at kaibigan ng isang dating bise alkalde ng Malabon City matapos na sumemplang ang sinasakyan nitong big bike at bawian ng buhay, habang kritikal naman ang kanyang kasamahan sa South Expressway, Bicutan, noong Linggo ng umaga.

Unang dinala sa Muntinlupa Hospital bago inilipat sa Asian Hospital at binawian ng buhay ang biktimang si Arnold Vicencio, 40, may asawa, siyam na taong naging Vice-Mayor sa Malabon City.

Nabatid na napinsala nang husto ang ulo ni Vicencio bunga ng malakas na pagkakabagok na siya nitong ikinasawi.

Ginagamot din sa Muntinlupa Hospital ang angkas ni Vicencio na si Rolando Esturia, veterinary na nagkaroon din ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa report, bandang alas-6 ng umaga sakay ng kanyang motorsiklo si Vicencio at Esturia at binabagtas ang South Expressway, Bicutan, papuntang Batangas City.

Gumilid ang mga biktima, pero dahil sa bilis ng takbo, sumemplang ang motor nito at tumilapon ang bise alkalde.

Dinala ng mga tauhan ng Bicutan Highway Patrol Group ang mga biktima sa Muntinlupa at kaagad namang inilipat sa Asian Hospital, pero pagsapit ng alas-11 ng umaga, binawian na ng buhay ang dating bise alkalde.

Samantala, nagkaroon ng misa sa Malabon City Hall na dinaluhan ng mga kawani at ni acting Mayor Lenlen Oreta, bilang pag-alala kay Vice Mayor Vicencio.

Si Vicencio ay naging bise alkalde ng Malabon City at anak ni dating Mayor Amado Vicencio.

Noong 2010 ay tumakbo siyang kongresista, pero tinalo ni Rep. Jhaye Lacson-Noel.

Plano sana ni Vicencio na tumakbong mayor ng Malabon City sa 2013 election.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

One thought on “Dating Vice-Mayor, Patay sa Aksidente

Leave a Reply

Your email address will not be published.