Dating Pagcor Chairman Eugenio, Rumesbak sa mga Kritiko

NIRESBAKAN KAHAPON NI dating Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) chairman Ephraim Genuino ang kanyang mga kritiko at tinawag na imbento ang mga tirada laban sa kanya at kanyang pamilya bilang paraan sa mabilis na pagsusulong sa pagsasapribado ng ahensiya.

Ayon kay Genuino, nais lang palitawin ng kanyang mga kritiko na puno ng katiwalian ang Pagcor sa ilalim ng kanyang pamamahala upang may basehan ang gobyerno na ibenta ito nang mas mababa sa pribadong sektor.

May hinala naman ang ilang kampo na kabilang sa mga potential bidders ang ilang malalapit at kaalyado ng administrasyon.

Ani Genuino, maraming sablay ang mga nagpasimuno sa mga batikos sa kanya dahil “mababaw” at “nakatatawa” ang mga ito.

Kabilang dito ang ulat na may nadiskubreng mga sako ng bigas at iba pang campaign paraphernalia sa ika-6 na palapag ng opisina ng Pagcor sa Maynila nu’ng tumakbong mayor sa Makati City ang kanyang anak na si Erwin.

“Imposible ‘yun, delikadong lugar ‘yung sinasabi nilang malapit daw sa exit ng Hyatt, araw-araw may naglilinis du’n. Kung mag-iimbak kami ng bigas, dapat sa bahay na lang namin at hindi sa Pagcor na kay taas at mahihirapan ang magpapasan sa mga sako,” ani nito.

“Wala rin kaming ganu’ng material na may larawan ng anak ko sa mga sako, maghanap pa sila kahit saan sa Makati,” dagdag pa nito.

Pinasinungalingan din niya ang ulat na pondo ng Pagcor ang pinambili sa mga bigas nu’ng 2008 at ngayong 2010 lang ginamit para sa eleksiyon.

Aniya, ang mga bigas ay donasyon mula sa isang Japanese philanthropist na kanyang kaibigan.

“Bulok na ang mga iyon kung ngayon ilalabas. One year lang ang life span ng bigas,” paliwanag pa ng dating Pagcor chief.

Hinamon din ni Genuino ang kanyang mga kritiko na kausapin si Lauro Vizconde, ama ng dalawang batang babae at asawa na minasaker sa Parañaque City ilang taon na ang nakararaan.

Isa si Vizconde sa mga sumaksi sa ilang bidding sa Pagcor bilang patunay na wala silang itinatagong anomalya.

Nagtataka rin si Genuino kung bakit ang Pagcor ang target ng administrasyon gayong mas maraming ahensiya sa gobyerno na dapat aniyang imbestigahan dahil sa lantarang katiwalian.                                                  (Roman Magpoc)

Pinoy Parazzi News Service

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.