Dating CAFGU na Umano’y NPA, Arestado ng Militar at Pulis

LABING ISANG katao na umano’y miyembro ng New People’s Army, na karimihan ay dating CAFGU, kabilang ang umano’y empleyado ng munisipyo at driver/bodyguard ni incumbent Mayor Ronald Flores, ang inaresto ng mga tauhan ng 7th Infantry Division ng Philippine Army at Philippine National Police sa Sitio Linao, Brgy. Kabayunan, Doña Remedios Trinidad, Bulacan.

Kinilala ni 7th ID Gen. Catapang ang mga nadakip na suspek na sina  Rodolfo Cruz, 65 anyos, ng Bigte, Norzagaray; Rico Vicene, 43, ng San Jose del Monte City; Josefino Lupano, 34; Cyrhyl del Cruz, 19; Jayson Valmadrid, 25; Randy Puno, 33; Angel Cabrera, 48; Graciano del Cruz; Billy at Willy Asuncion, kapwa mga residente ng Brgy. Salangan, San Juan at Tibagan sa bayan ng San Miguel, Bulacan.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, madaling-araw ng Sabado nang makatanggap ng report ang mga awtoridad  mula sa mga concerned citizen na may mga armadong kalalakihan na umiikot sa nabanggit na sitio, lulan ng isang kulay puting van na walang plaka.

Dahil dito, agad na bumuo ng team ang mga sundalo at pulis, kung saan agad na inikutan ang lugar na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.

Nakumpiska mula sa kanila ang tatlong M16 armalite rifle, dalawang M14 rifles, tatlong cal.45, apat na granada, isang shotgun, at iba’t ibang uri ng mga bala at medical kit.

Ayon naman sa mapagkakatiwalaang source, hindi umano rebeldeng NPA ang nahuli ng mga pulis at militar. Ang mga nahuling armadong grupo ay pawang mga tauhan ni Flores, kung saan plano sanang iligpit  ang kapitan del barrio ng Kabayunan na si Boyeng Bernabe, at lima pang mga kapitan na tumanggap din ng mga pagbabanta sa buhay.

Idinagdag pa ng source, na imposibleng NPA ang mga nadakip dahil bago pa umano magsimula ang kampanyahan, may tinatayang 200 katao ang kinuha at binigyan ng mahahabang armas para sa paghahanda sa May 13 midterm elections.

Nabatid na isang alyas Keno mula sa quarry ng bakal ang namumuno sa mga goons, kung saan ibinili ang mga ito ng uniporme ng sundalo, bukod pa ang umano’y apat na 4×4 sasakyan ng army na itinago sa bayan ng Angat na gagamitin sa darating na halalan sa Mayo.

Samantala, tumanggi naman ang source na pangalanan kung sino ang bumili ng naturang mga kagamnitan.

(TONY DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.