Dating Bise-Alkalde; 2 Pa, Dedbol sa Duwelo sa Lamayan

TATLONG KATAO ang nasawi kabilang ang isang dating bise alkalde at isang pulis habang dalawa pa ang nasugatan matapos na mauwi sa barilan ang bangayan sa pasugalan sa isang lamayan ng patay sa bayan ng Dolores, Abra.

Base sa report ng Cordillera Police, ang mga namatay ay sina dating Abra Vice Mayor Dante Guzman, 53-anyos, kapatid nitong si Police Officer 3 Dindo Guzman, 45, at kalaban ng mga itong si Jun Cabanawan, umano’y bodyguard ni Dolores Mayor Robert Victor ‘Jay-R’ Seares.

Ang magkapatid na Guzman at si Cabanawan ay pawang idineklarang dead-on-arrival sa ospital sa tinamong mga tama ng bala sa katawan.

Sa ngayon, patuloy namang ginagamot ang dalawang sugatan na sina Christopher Tordil, 40, at Cesar Zapat, 34.

Matapos ang insidente, sumuko sa mga awtoridad ang itinuturong nagsimula ng kaguluhan na si Christian Cortez.

Lumalabas sa pagsisiyasat, dakong alas-11:20 ng gabi habang ang mga biktima ay nagsusugal sa lamay ng patay nang magkaroon umano ng hindi pagkakaunawaan na humantong sa bangayan nina PO3 Guzman at Cortez.

Samantala, hinihinala pa na may bahid pulitika ang krimen dahil magkalaban ang Pamilya Guzman at ang kasalukuyang alkalde dito na si Mayor Seares. Sina Cortez, Cabanawan, civilian escort ni Seares at ang dalawang nasugatan ay mga tauhan ng nasabing incumbent mayor.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.