DAR, Itinangging Sisibakin ang Mahigit 9,000 Empleyado

ITINANGGI NI Agrarian Reform Secretary Virgilio delos Reyes na patatalsikin nila ang mahigit 9,000 empleyado para sa nakatakdang re-organization umano ng nasabing departamento.

Pinawi ni Sec. delos Reyes ang pangamba ng mga Department of Agrarian Reform Employees Association (DAREA) na una nang umapela ng tulong kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III dahil sa posibilidad umano na mawalan sila ng trabaho.

Rerepasuhin lamang nila katuwang ang Department of Agriculture (DA) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang tungkulin ng tatlong kagawaran para magkaroon ng re-configuration, ayon sa kalihim.

“Sapagkat ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ay hanggang June 2014, ang ginagawa po ng DA, DAR at saka ng DENR kasabay po ang DBM (Department of Budget and Management), nirerepaso po natin kung ano ang basic functions ng tatlong ahensya para magkaroon ng reconfiguration ‘yung tatlo.”

“Pero hindi po mass layoff, wala pong sibakan na mangyayari. Isinasaalang-alang po natin ang welfare ng ating empleyado.”

“Ang proposal nga po ng DAR… pati ng DA at DENR ay rebyuhin ang function ng tatlong departamentong ito sapagkat hindi po totoo na basta-basta natin tatanggalin ‘yung 10,596 na empleyado. Hindi po totoo ‘yun.”

Batid ng kagawaran na nag-ugat ang pangamba ng kanilang mga empleyado sa probisyon ng proposed 2013 budget na may kinalaman sa staffing structure.

Pero tiniyak ng kalihim na hindi ito mangyayari sa kanilang mga kawani.

Sakali naman aniyang matapos ang kanilang trabaho sa pamamahagi ng lupa sa 2016, may option pa rin sa batas ang mga empleyado tulad ng early retirement.

Masyado pang maaga para pag-usapan kung may mawawala sa kanilang department, dagdag pa ni delos Reyes.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.