DAPAT LINAWIN NG SUPREME COURT

MASELAN ITONG USAPIN na kinapapalooban ng desisyon ng Korte Suprema tungkol sa komisyong itinatag ng Malakanyang upang mag-imbestiga sa mga anomalya umano ng dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Matatandaan, parekoy, na kamakailan lamang ay idineklara ng Kataas-taasang Hukuman na “unconstitutional” daw ang Executive Order No. 1.

Ito, parekoy, ang Executive Order na nagbibigay-bisa sa itinatag ni Pangulong Noynoy Aquino na Truth Commission.

Sa biglang tingin, masasabi nating iligal o unconstitutional ang Truth Commission dahil nga dito sa desisyon ng Korte Suprema.

At sari-saring reaksiyon ang idinulot ng desisyong ito ng SC, kung saan maging ang ilang senador ay nagpahayag na maaari raw kausapin ng Pangulo ang mga kaalyado nito sa Kongreso at Senado upang gamitin ang tinatawag na “Legislative Action” sa pagtatatag sa Truth Commission.

Samantala, nagpahayag naman ang ilang taga-Malakanyang na nakahanda naman umano silang amyendahan ang nasabing Executive Order upang masunod nito ang batas at para maaprubahan ng Korte Suprema.

Ang tanong natin, alin ba talaga ang unconstitutional… ang Executive Order No. 1? O, ang Truth Commission?

Sa tingin natin, parekoy, ay maselan ang bagay na ito.

Dahil kung ang Executive Order ang “unconstitutional”, ibig sabihin maaari pa itong gamutin sa pamamagitan ng amendments, o kaya ay gumawa ng hakbang ang Kongreso at Senado para magpasa ng batas na bubuo sa Truth Commission.

Pero kung sasabihin ng SC na ang Truth Commission mismo ang unconstitutional, malaking problema, parekoy.

Dahil kahit anong gawin ng Malakanyang na pag-amyenda sa Executive Order No. 1, mananatiling “unconstitutional” ang nasabing commission.

At kahit anong batas ang ipasa ng Kongreso at Senado para mabuo ang Truth Commission, mananatili pa rin itong unconstitutional dahil nga sa ruling na ito ng Kataas-taasang Hukuman!

INAANYAYAHAN KO PO kayong makinig sa aking radio program… ALARMA Kinse Trenta, tuwing umaga alas-6 hanggang alas-7, Lunes hanggang Biyernes sa DZME (Dulong kanan ng inyong tala-pihitan) O, kaya ay mag-log-on sa www.dzme1530.com

Anumang mensahe ay maaaring iparating sa pamamagitan ng junbriones69@yahoo.com o,kaya sa 0932-1688734.

Target
ni June Briones
jabriones10@yahoo.com
09152121303

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.