DAP at Malampaya funds, sisiyasatin sa Senado

INIHAIN NA ng minorya sa Senado ang isang resolusyon na sumusulong ng pagsisiyasat sa Disbursement Acceleration Program (DAP) na umano’y ipinamigay ng Palasyo sa mga mambabatas matapos na ma-convict si dating Chief Justice Renato Corona sa impeachment trial.

Mismong ang kasapi ng minorya na si Sen. JV Ejercito ang naghain ng Senate Resolution 287, kung saan layunin umano ng pagbusisi sa DAP ng Palasyo ay upang bumalangkas ng polisiya at regulasyon para sa tamang paggamit ng savings ng gobyerno.

Umaabot umano ng P72.1 bilyon ang pondo para sa DAP na ginamit ng Malacañang para mapabilis ang implementasyon ng mga proyekto mula noong 2011 kung saan napunta umano ang bahagi nito sa mga senador matapos ang Corona trial.

Lumabas ito matapos ang privilege speech ni Sen. Jinggoy Estrada, ang isa sa mga mambabatas na idinadawit sa kontro-bersiyal na multi-bilyong pork barrel fuind scam.

Maliban sa DAP, isinulong din ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano na siyasatin din ng Senate blue ribbon committee ang Malampaya Gas funds matapos matuklasan na nasa P900 milyon dito ang napunta sa umano’y bogus na NGOs ni Janet Lim-Napoles.

Samantala, maaring maantala pa ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee sa pork barrel fund scam matapos na kanselahin ng mga senador ang caucus para sa subpoena ni Napoles dahil sa maraming mga mambabatas ang hindi dumalo sa sesyon bunsod ng karamdaman at official trip sa abroad.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.