Pulandit: Dalawang karakter lang ang kailangan ng magiging Pangulo

ANG SINO MANG mahahalal na pangulo sa Mayo 10 ang magdidikta ng magiging sitwasyon ng bansa sa susunod na anim na taon.
Mararamdaman ang epekto ng kanyang ginawa hanggang sa susunod pang anim na taon matapos ang kanyang termino na magiging barometro ng klima ng buong bayan sa pagpasok ng 2020.
Totoong hindi perpekto ang mga kumakandidato para gabayan ang manubela ng Pilipinas patungo sa isang maunlad na paraiso at walang naghihirap.
Karaniwan, ang pagpili ng lider ay ibinabatay sa laman ng isip at kisig ng pangangatawan. Kung may maisingit mang kategorya ng batayan, iyon ay sa laman ng bulsa.
Ito ang palaging sukatan ng marami nating kababayan sa kanilang pagboto mula sa pangulo ng TODA hanggang sa pangulo ng homeowners.
Ang nagiging problema sa malawak na Fair Elections Act, hindi gaanong nakikilala ng mga botante ang kanilang susunod na lider ayon sa pigura ng kanilang pagkatao bagkus ay sa pigura lamang ng kanilang artipisyal na kakayahan.
Sa personal kong karanasan, makilatis ako sa lider. Ayaw ko silang tingnan sa telebisyon at hindi ko sila masyadong gustong pinakikinggan sa radyo.
Inoobserbahan ko sila sa mga unguarded moments nila. Kung paano sila makipag-usap sa kanilang kaibigan at sa mga hindi nila kaibigan.
Hindi ako masyadong attracted sa mga taong nagtapos kung saan-saang unibersidad sa buong mundo.
Ang palagi ko lamang sukatan, kung sila’y magaling makipagkapwa-tao.
Hindi ang malawak na lupain at dagat ang kanilang paglilingkuran, hindi rin ang matayog na kabundukan at gusali ang kanilang kakausapin.
Higit sa lahat, tao ang tunay na bantayog ng kanilang kagalingan.
Kung paano tinatrato ng lider ang kanyang mga kasama, ang mga taong nakapaligid sa kanya at ang mga taong hindi niya kakilala, iyon ang huhusga kung sino siya.
Dalawang karakter lang ang kailangan natin sa lider: Maka-Diyos at Maka-Tao.

SA NGAYON, HUMUHUGIS kahit paano kung sino ang susunod na pangulo.
Matunog si Noynoy, may laban si Villar at mukhang hindi rin naman nagpapahuli si Erap.
Sa bahagi ni Noynoy, marami na ang mga nakaabang kung paano niya tatanawan ng utang na loob ang Makati Business Club, ang Civil Society, ang Black and White Movement, si Peping Cojuangco at ang kanyang mga kamag-anak.
Nakaabang na rin ang mga tao kay Villar kung paano siya tatanaw ng utang na loob sa isang Willie Revillame, sa isang Manny Pacquiao, sa isang Chavit Singson at sa mga real state managers na nagtutulak sa kanyang kandidatura.
Ganoon din kay Erap. Pumapasok ang mga pangamba sa posibleng pagpasok ng pigura ni Laarni Enriquez at kung paano tatanawan ng utang na loob ang tumutulong sa kanya.
Bawat tao ay may kanya-kanyang amigo.
Hindi naman ito masama. Ang kailangan talaga natin ay lider ng maraming kaibigan subalit hindi ‘mapagsalamantala’.
Ako, hanggang sa mga oras na ito, wala pa ring napipili. Subalit sa tuwing ako’y nagdarasal, isinasama ko sa aking panalangin na mabigyan tayo ng lider na talagang magiging pinuno ng buong bayan at hindi ng iilan.
Kung sino man siya, gamitin natin itong pagkakataon na itama ang ating mga nakaraang pagkakamali.
Suportahan natin ang sino mang mahahalal na Pangulo dahil sa tingin natin mas madaling makapamumuno ang lider kung ang kanyang nasasakupan ay may tiwala sa kanya.
Magsimula tayong muli.

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.