Dalagita, Niluray ng Textmate

NADAKIP SA entrapment operation ang isang heavy equipment operator na gumahasa sa isang 15-anyos na textmate sa isang motel sa Kalibo, Aklan.

Kasong Rape in relation to RA 7610 ang kinakaharap ng salarin na si Gerald Banquillo, 39, residente ng Passi City, ngunit pansamantalang naninirahan sa Numancia, Aklan.

Base sa salaysay ng biktima na itinago sa pangalang “May”, noong nakaraang taon nang i-text siya ng suspek upang imbitahang makipagkita at mamasyal.

Ngunit hindi umano niya inakala na dadalhin siya nito sa isang motel at doon na pinagsamantalahan.

Sinabi pa ng biktima na dahil sa sobrang takot ay wala na siyang nagawa nang puwersahan siyang gahasain.

Noong Hunyo 8, 2013 ay muli umanong naki-pag-ugnayan sa kanya ang ka-textmate upang makipagkita.

Dahil dito, humingi na ng tulong ang dalagita sa mga kinauukulan at nagsagawa ng entrapment operation sa kanilang tagpuan.

Naaresto naman ang salarin na agad na sinampahan ng kaukulang kaso.

Samantala, nakakulong na ngayon si Banquillo sa Aklan Rehabilitation Center.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.