Dalagita Nilasing, Bago Hinalay ng Bayaw

DAHIL SA kanyang pagtitiwala sa kinakasama ng kanyang kapatid, nasira ang kinabukasan ng 16-anyos na dalagita matapos itong gahasain sa loob ng kanyang kuwarto sa Brgy. Batia, Bocaue, Bulacan.

Sa isinumiteng ulat sa Camp Alejo Santos sa Malolos City, itinago ang biktima sa pangalang ‘Ruvie’, 16 anyos, at residente ng St. Martha’s Homes, Brgy. Batia. Samantalang ang suspek na agad namang nadakip ay nakilalang si Martin Tactacan, 25, residente rin sa nabanggit na lugar.

Base sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Dorina Camado, may hawak ng kaso, nagyaya ang suspek sa kanyang kinakasama at sa biktima na mag-inuman bandang alas-8:30 ng gabi. Matapos ang ilang oras, nakaramdam ng pagkahilo ang biktima kaya nagpaalam na ito sa kapatid na matutulog na sa kanyang kuwarto.

Nang makakuha ng pagkakataon ang suspek, pinasok nito ang biktima sa loob ng kanyang kuwarto at agad na hinubaran ng damit at ginahasa.

Nabatid na hindi na nakuhang manlaban pa ng biktima dahil sa sobrang pagkahilo nito.

Matapos ang insidente, agad na humingi ng tulong ang biktima sa mga barangay tanod ng Brgy. Batia at agad na ipinahuli ang suspek.

(T. ARCENAL)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.