Dalagang pinatay sa hotel, nagpakita sa mpd

BUHAY NA buhay na nagpakita sa Manila Police District (MPD) ang 23-anyos na dalagang napabalitang napatay ng kanyang nobyo sa isang hotel, sa Sta. Mesa, Maynila noong Hulyo 13.

Sinabi ni SPO2 Ronald Gallo ng Manila Police District-Homicide Section na nagpakita na ang isang Rose Ann Valler, na residente ng Sitio Sagingan Dos, Brgy. San Isidro, Rodriguez, Rizal upang patunayan na hindi siya ang babaeng natagpuang patay ng roomboy sa inokupa-hang kuwarto sa Sta. Mesa hotel , noong Hulyo 13, 2013, alas-5:45 ng hapon.

Kasama ng babae ang kanyang nobyo na si Kervin Valcena, 27, ng Cabuyao, Laguna. Ito’y upang linawin din na hindi siya ang salarin sa pagpatay dahil hindi naman patay ang nobya.

Maaalala na personal na nagtungo noong Hulyo 17 sa morgue ng isang punerarya ang isang Rosemarie Valler, 29, umano’y kapatid ni Rose Ann na siyang nagpahayag sa MPD-Homicide Section na kapatid niya ang natagpuang patay.

Nagulat na lamang si SPO2 Gallo nang magtungo ang magnobyo sa MPD-Homicide Section.

Paglilinaw naman ng kapatid na si Rosemarie, mahigit na isang taon na umanong hindi nagpapakita o nagpaparamdam si Rose Ann sa kanila kaya inakalang siya ang pinaslang sa hotel.

Nalaman na inaayos na umano ni Rosemarie at kanilang mga kamag-anak ang paglalagakan ng labi ni Rose Ann nang sumulpot ito sa kanila kasama ang kasintahan.

Naging abala lamang umano si Rose Ann sa kanyang trabaho sa isang Printing Press sa Caloocan City habang ang kanyang nobyo ay nagtatrabaho naman sa Cabuyao, Laguna.

Samantala, nananatiling unidentified pa ang babaeng pinatay ng kasintahan sa hotel, at kasalukuyang nakalagak sa St. Harold Funeral ang labi nito.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.