Dahil sa TV, nanay pinalo ng sangkalan ng anak na adik

SWAK SA KULUNGAN ang isang 36-anyos na babae na lango sa ipinagbabawal na gamot matapos nitong paluin ng sangkalan ang kanyang sariling ina makaraang pagsabihan ito ng huli na tama na ang magdamag na panonood ng telebisyon kahapon ng hapon sa Caloocan City.

Dilat na dilat pa ang mga mata nang isalya sa piitan ng Caloocan City Police ang suspek na nahaharap sa kasong Frustrated Parricide sa Caloocan City Prosecutor’s Office na si Judith Principe, 36, ng # 379 Sitio Uno, Brgy. 2, Caloocan City.

Ginagamot naman sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center (PDMMMC) sanhi ng tinamong sugat sa kaliwang mata mula sa sangkalang kahoy ang biktimang si Felicitas Principe, 54, ng nasabing lugar.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas 5:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng mag-ina sa nabanggit na lugar.

Ayon sa ina (biktima) ng suspek, sinasaway nito ang kanyang anak sa telebisyon dahil sa halos buong magdamag na itong nakabukas.

Ikinagalit ng suspek ang sinabi ng ina at dito ay kinuha niya ang kanilang sangkalan sa kusina at walang sabi-sabing ipinalo sa noo ng ina na nagtangka pang umilag subalit nahagip ito sa kaliwang mata.

Agad namang dinala sa nasabing pagamutan ang biktima ng isa pa sa kanyang mga anak habang ipinadakip naman sa mga awtoridad ang suspek.

Sinabi pa ng ina ng suspek na matagal nang gumagamit ng Shabu ang kanyang anak, at pangalawang beses na rin itong sinaktan, kung saan noong una ay sinaksak naman ito.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.