Dahil sa tauhan ni Recom… VK at Jueteng sa Caloocan, namamayagpag

INUTIL AT WALANG silbi umano ang tanggapan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo sa dahilang wala itong ginagawang aksiyon laban sa mga nagkalat na Video Karera machine at mga kubrador ng Jueteng sa Bagong Silang at Camarin sa Caloocan City na umano ay sadyang hinahayaan lang ni Mayor Enrico “Recom” Echiverri at ng kapulisan.

Ayon sa mga residente ng dalawang nabanggit na lugar, tutulug-tulog umano sa pansitan ang DILG bunga umano ng kawalan nito ng pansin kung papaano nagpipista ang mga kilalang VK lord na sina “Garry” at isang “SPO2 Roger Sacho” at mga Jueteng lord na sina Ruzzel, Mark, at Sherwin na pawang nagsisilbing “salot” sa mga nadidismayang residente.

Nabatid mula sa ilang insider ng Caloocan Police, dati si Gary lang ang tanging binigyan umano ng bendisyon ni Al Sta. Maria, hepe ng RDPSTM para makapag-operate ng VK sa mga nabanggit na lugar.

“Ngayong kabilang na si Sacho, isang pulis-Maynila na binigyan ng bendisyon ni Sta. Maria para mag-operate ng VK,” wika pa ng source.

Napag-alaman pa sa source, kaya umano pinayagan si Sacho na makapaglatag ng VK ay dahil naghatag umano ito ng P2 milyon kay Sta. Maria.

Idinagdag pa ng source, binigyan din umano ni Sacho ng “lagay” ang tanggapan ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Caloocan City Police sa pamumuno ni Chief Insp. Rodrigo Soriano, gayundin umano ang tanggapan ng Intelligence Section ng nasabing himpilan ng pulisya sa pamumuno naman ni Major Cresencio Galvez para  hindi umano mambulabog.

Wala rin umanong ginagawang aksiyon si Robredo sa mga nagkalat na kubrador ng Jueteng ng kapatid ni Echiverri na si Mark Echiverri, Ruzzel Ramirez at isang Sherwin.

Sinabi naman ng mga re-sidente ng Bagong Silang at Camarin na nagkukumahog na umano si Sta. Maria para magkamal ng pera dahil na-lalapit na raw ang wakas ng panunungkulan ng kanyang amo na si Recom Echiverri.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.