Dahil sa Selos: Kelot, Tinarakan ng Ka-Live-In

KRITIKAL NGAYON sa pagamutan ang isang lalaki nang pagsasaksakin ng kanyang live-in partner dahil umano sa sobrang selos sa loob ng kanilang bahay sa Caloocan City kamakalawa ng madaling-araw.

Ang biktima na inoobserbahan sa Pres. Diosdado Macapagal Memorial Medical Center (PDMMMC) sanhi ng mga tinamong tama ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ay nakilalang si Jun Jun Reyes, 32, at nakatira sa Bisig ng Nayon, Brgy. 8, ng nabanggit na lungsod.

Nahaharap naman sa kasong Frustrated Parracide ang suspek na si Maria Delos Santos, live-in partner ng biktima at naninirahan sa nasabing tirahan.

Base sa ulat ng Caloocan City Police Station, bandang alas-4:00 ng umaga nang maganap ang nasabing pananaksak sa loob ng bahay ng maglive-in partner.

Nabatid, bago umano maganap ang insidente, ang biktima at ang suspek ay nagkaroon ng isang mainitang pagtatalo dahil si Reyes umano ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa unang asawa.

Habang nasa kainitang pagtatalo ang mag-live-in, nakadampot ng kutsilyo ang suspek at pinag-uundayan ng saksak ang kanyang kinakasama.

Mabilis namang dinala ng kanyang kaanak ang biktima sa nasabing pagamutan, kung saan ito ay nasa kritikal pang kalagayan. Habang pinag-aaralan pa ng mga kaanak ng biktima na sampahan ng kaso ang suspek.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.